WAGING Best Actress ang Kapamilya actress na si Angel Locsin sa katatapos lang na 33rd Star Awards for Television. Dinaig niya ang iba pang nominado including Nora Aunor para tanghaling best actress dahil sa galing na ipinakita niya sa action-drama series ng ABS-CBN na The General’s Daughter.
Dumoble pa ang kasiyahan ni Angel nang parangalan din siya (kasama ang iba pang mga aktres ng GMA-7 at ABS-CBN) bilang “TV Queen at the Turn of the Millennium.” Sayang nga lang at hindi nakadalo ang ibang awardees like Judy Ann Santos, Bea Alonzo, Marian Rivera, etcetera.
Ang The General’s Daughter din ang tinanghal na Best Primetime Drama Series at nanalo pa ng dalawa pang acting awards – Arjo Atayde for Best Drama Supporting Actor at Janice de Belen for Best Drama Supporting Actress.
Present si Arjo sa awards night to accept his trophy pero wala si Janice dahil may sakit ito.
Sa acceptance speech ni Angel ay pinasalamatan niya ang kanyang Dreamscape family sa tiwalang ibinigay sa kanya para gawin ang The General’s Daughter, ganun din ang director niyang si Manny Palo na ayon sa kanya ang napakalaki ng naitulong para maitawid niya ang kanyang role.
Sa bandang dulo ng kanyang speech ay hindi nakalimutan ni Angel na ihandog ang napalunang acting award sa husband-to-be na si Neil Arce na siya ring escort niya that night.
Bago ang Best Drama Actress award niya sa PMPC ay kinilala rin si Angel sa Eduk Circle Awards bilang Best Actress para din sa napakahusay niyang pagganap bilang si Rhian Bonifacio sa The General’s Daughter.