ILANG ARAW ring “nagparamdam” at sobrang nangwasak itong si Bagyong Maring, sa totoo lang. Kaya nakakahiya naman kung tayo’y magtsitsismisan at parang wala lang nangyari.
Baka isipin pa ng iba ay manhid kami at walang pakiramdam. Imbes na makisimpatya sa mga nabaha eh, nagagawa pa naming mangtsismis ng ibang tao.
Hindi po. Pinili talaga naming ‘wag munang mangtsismis, dahil hindi naman talaga kami manhid.
TULAD NG ibang artistang hindi rin manhid. Nakakatuwang nag-e-exert ng effort ang mga artista to help and reach out with the people in need, lalo na ‘yung mga nasa evacuation center at wala ring magawa, kungdi ang maghintay na lamang ng biyaya mula sa mga taong may mabubuting puso.
At ang unang-unang napansin namin diyan ay si Angel Locsin na ang impression namin sa kanya talaga ay maaasahan at may mabuting kalooban sa pagtulong kahit hindi mo tutukan ng kamera.
Consistent si Angel diyan, in fairness. Sa kanyang mga Instagram posts, mapapansin mong hindi niya kinukunan ang sarili habang namamahagi ng relief goods o nagbabalot sa supot para sa mga relief operations.
Siya pa ang photographer ng mga ordinaryong taong in action talaga ‘pag tumulong. At ito’y kanyang pinupuri sa kanyang mga posts.
Isang Red Cross volunteer din ‘yang si Angel, kaya love na love namin ‘yang mga ganyang tao.
ILANG PANG artistang nakita naming talagang kahit walang ka-makeup-makeup ay rumarampa sa relief operations ay sina Kris Aquino, Anne Curtis, Dingdong Dantes, Marian Rivera at iba pang Kapuso stars na nakita namin sa telethon.
Ganu’n din ang mga Kapamilya star na nakita namin sa telebisyon tulad ni Gerald Anderson, Paul Salas at ang cast ng Huwag Ka Lang Mawawala na ang punong-abala talaga ay si Ms. Judy Ann Santos, kasama sina KC Concepcion, John Estrada, Sam Milby at ang iba pang cast at staff na masigasig magbalot.
Maging sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo at Jessy Mendiola ay nakita rin namin sa TV. Si Pokwang ay nakita rin namin ang post sa Instagram na siya’y nag-iipon ng mga used clothes na ipamamahagi rin niya.
I’m sure, kulang pa ang listahang ito, pero hindi na importante kung hindi kayo mabanggit, basta ang mahalaga ay ‘yung alam n’yong naging bahagi kayo sa pakikiramay sa ating mga kababayan.
‘YUNG IBA’Y kinukuwestiyon ang motibo ng mga artista kumbakit may camera pa raw habang tumutulong. Showbiz na showbiz daw ang dating. Nababawasan daw ang sincerity.
Juice ko, tigilan na nga natin ‘yang crab mentality, ha? Palibhasa, wala kayong naitutulong, kungdi ang manita lang nang manita. Hello! At least naman, kahit nakikita sa TV, nakikitang tumutulong, hindi nakikitang nakatanghod lang at nganga.
Saka wala naman tayong magagawa kung tinututukan ng camera, eh. Alangan namang awatin ‘yon, eh ‘yun ang magandang halimbawa ng isang tunay na Pinoy. Ang marunong makiisa sa damdamin ng kanyang kapwa.
Eh, ‘di tulong din kayo, malay n’yo, mahagip din kayo ng kamera.
Kalokah talaga ang ibang tao. Imbes na tumulong, mga pabigat lang.
Na-highblood tuloy ang lola n’yo.
Oh My G!
by Ogie Diaz