MAGSISIMULA NA ANG Stairway to Heaven ni Dingdong Dantes at kinumpirma na ngang si Rhian Ramos ang katambal ng aktor.
Ngayon pa lang ay iniintriga na ang young actress bakit siya na naman daw ang ipinartner pagkatapos niya kay Richard Gutierrez sa Zorro.
Meron pang protestang lumabas sa internet bakit si Rhian na naman daw. Porke’t pamangkin daw ba ito ni Ms. Ida Henares na VP na ngayon for Artist Development and Management Department ng GMA 7, hindi na ito nawawalan ng trabaho?
Ang una kasing napabalitang makakatambal ni Dingdong ay si Jennylyn Mercado pero may ibang gagawin daw ito na makakasama naman si Mark Herras.
Kaya malamang fans ni Jennylyn ang unang-unang kumontra rito. Pero in fairness naman kay Rhian, lalo itong gumanda at bumagay naman siya kay Dingdong nang magkita sila sa story conference ng bagong seryeng ito. Masuwerte nga lang siya siguro dahil hindi siya nawawalan ng trabaho.
Malaking challenge ito sa kanya kaya pagbutihin na lang daw niya ang role bilang Jodi sa Stairway to Heaven.
May isyu ring baka mapagselosan pa raw ito ni Marian Rivera pero sagot naman Rhian, walang dapat pagselosan ang bagong Darna. Safe na safe daw at trabaho lang daw ang sa kanila ni Dingdong.
Muling naungkat ang relasyon ni Rhian kay JC de Vera at pa-safe naman ang sagot nito na okay pa rin naman daw sila.
May komunikasyon naman daw sila minsan at nagkikita pero hanggang du’n na lang daw. Hindi na raw gaya nang dati na iba ang closeness nila.
Tuluyan na nga bang tinapos nila ang kanilang relasyon? “Wala namang ganu’n, Walang goodbye. Hindi naman kami naging ganu’n eh,” muling pagde-deny ni Rhian.
Pero hindi naman niya maipaliwanag kung anong merong relasyon sila. Basta naging close lang daw sila noon dahil nagkasama sila sa Lalola.
Nalusutan naman ni Rhian ang isyu nito kay JC, pero ewan ko lang kung kaya niyang sagutin kapag maintriga na naman siya muli kay Mark Herras.
Nakatakdang umalis si Rhian patungong Canada para sa GMA Pinoy TV, at kasama nito si Mark.
Single naman si Mark ngayon at si Rhian ay ganu’n din daw kaya hindi kaya mabalik ang dating magandang pagtitinginan nila na na-develop naman noon sa Europe?
MAGANDA ANG PAGSISIMULA ng Darna nu’ng nakaraang Lunes at mukhang susubaybayan ito ng mga televiewers dahil sa pilot episode pa lang nito, matindi na ang mga eksena at kapana-panabik ang cliffhanger.
Nu’ng Linggo ay meron silang primer na Darna Mania at kapansin-pansing hindi talaga isinama si Angel Locsin, ang unang Darna ng GMA- 7.
Ang daming artistang nabanggit na gumanap na Darna pero dedma talaga sila kay Angel Locsin.
Pagdating sa pilot episode, napansin ng karamihan na ang gumanap na parang ninang ni Narda na pinanggalingan ng bato ni Darna ay si Angel Aquino. At least Angel pa rin kung hindi man si Angel Locsin.
Hindi na lang daw pinapansin ni Marian Rivera ang pressure dahil hindi maiwasang ikukumpara ito sa Darna ni Angel Locsin. Pagbutihin na lang daw nila ang bawat episode ng show dahil talagang kinakarir nila nang husto ang kuwento para mahigitan ang unang Darna ng GMA- 7.
By Gorgy’s Park