NAG-PILOT telecast na nung Sunday, June 14, 6 p.m. ang pinakabagong show ng Kapamilya Channel na Iba Yan hosted by Angel Locsin. Yes, hindi muna aarte si Angel sa Iba Yan, magho-host siya at aminado ang aktres na hindi talaga siya kumportable sa ganitong larangan.
“Hindi ko alam kung bakit ako naging artista kasi may pagka… sa totoo lang may pagka-introvert po talaga ako,” pagtatapat ni Angel sa virtual presscon para sa kanyang programa.
Dagdag niya, “Yung mga nagsasalitang part, parang paartehin n’yo na lang ako. Patalunin n’yo ako ng building, ipahabol sa aso – yan mas magagawa ko. Pero yung hosting, isa yan sa mga kumbaga natatakot akong gawin.”
Magkaganun man, hindi daw naman siya nagdalawang isip na tanggapin ang show lalo pa’t napakaganda ng objectives nito.
“Nung nilatag po nila sa akin itong show and… ito kasi yung kailangan natin sa panahon ngayon, eh — yung show na makakadagdag ng inspirasyon. Makakadagdag ng… sori sa term na gagamitin ko ha, ang dami kasing problema na nangyayari ngayon sa Pilipinas.
“Marami akong nababasa na nakakahiyang maging Pilipino, parang isa mga objectives ng show na ito bukod sa makapagbigay ngiti at inspirasyon sa tao is yung mabalik yung pagiging proud natin na, ‘Ah, Pinoy tayo,’ ito yung magagandang katangian natin,” katwiran ni Angel.
“Ito yung mga ugali ng Pinoy — katulad yung pagbabayanihan. Grabe tayong tumulong sa kapwa natin kahit nasalanta na tayo. Yung isusuot na lang natin na damit, isusubo nating pagkain ibibigay pa natin sa kapwa natin.
“So isa yon sa maganda sanang ire-mind natin lalo na sa mga kabataan natin na ito ay isa sa ugali ng mga Pilipino na hindi natin dapat ikahiya. Huwag tayong magwalang pakialam, mangialam tayo. Patuloy nating gawin yung mga magagandang traits. So isa yon sa mga nagpapayag po sa akin,” patuloy niyang pahayag.
Inamin din ng aktres na hindi nagtagal ang naging negosasyon para mapapayag siyang tanggapin ang Iba Yan.
Aniya, “Actually, nung in-offer nila ito wala pa yung kung anumang isyu sa ABS-CBN, eh. Meron na po talagang planong ganito and then nag-pause lang because, of course… yon. Dahil ito ay pagbibigay ng serbisyo sa mga tao kailangan nating i-push talaga, so inilaban namin yung show kahit very challenging yung situation.
“Ang galing ng mga writers natin, researchers, nakahanap sila ng magagandang kuwento na maganda ring ibahagi natin sa mga tao.”
Kuwento pa ni Angel, “Honestly, dapat pahinga ho talaga ako ngayon. Pahinga ako, nag-aayos ng kasal, pero lahat naman tayo naka-pause ngayon, di ba, naka-pause yung buhay natin, so kailangan nating mag-adapt sa panibagong normal so ito na yung panibagong normal.
“And in a way, ito yung gusto rin nating pang-reach out sa mga tao. Ito yung pagbibigay natin ng serbisyo sa tao sa ating munting paraan.”
Kinabahan ba siya sa first taping day sa Iba Yan lalo pa nga’t matsa-challenge ang kakayahan niya bilang host?
“Siyempre, nando’n yung kaba, pero mas nangingibabaw yung excitement, eh, kasi maganda talaga yung show. Maganda yung show natin at maganda yung adhikain natin. Sabi nga nila, pag maganda, pag pure yung intentions walang magiging mali.
“Parang we’re here to serve, actually marami sa amin, sa tingin namin isang malaking sakripisyo po ito pero dahil isa sa mga motto ng ABS-CBN is in the service of the Filipino, nandito po kami at maglilingkod po kami kahit sa anong paraan po,” pahayag ni Angel.
Mapapanood ang Iba Yan tuwing Linggo ng gabi (6 p.m.) sa Kapamilya Channel.