Angel Locsin, international na ang level

Bago pa man i-announce ni Kris Aquino sa SNN last week ang balitang pagkakasama ni Angel Locsin sa International Emmy nominations, ay nabalitaan na namin ito at wala na kaming nasabi pang iba kundi, OMG! Nominado sa kategoryang Best Performance by an Actress sa International Emmys 2009 si Angel Locsin para sa kanyang mahusay na pagganap bilang Lyka sa teleseryeng Lobo, o mas kilala ngayon internationally as “The Wolf”.

Nauna nang pinarangalan sa BANFF in Canada ang teleserye at ngayon naman isang pagkilala sa mahusay na pagganap ni Angel ang napansin ng international award-giving body. Katapat ni Angel ang ilan sa mga kilala at respetadong mga pangalan sa larangan ng TV Acting mula sa bansang France, Mexico at United Kingdom. Sa lahat halos ng blogs sa internet, sinasabing talagang naabot na ni Angel ang pagiging tunay na aktres sa kanyang mga natatanggap ngayon na acting awards.

Kung noong una ay pinagdududahan pa ang kanyang pagiging artista, ngayon, mismong international award-giving bodies na ang nakapupuna dito. Binaha ng napakaraming congratulatory messages si Angel at kahit mga dati niyang mga katrabaho sa kabilang network ay matindi ang pinapahatid na mensahe sa kanya. Hindi talaga basta-basta ang pagkakapansin kay Angel ng International Emmys, kaya ito na marahil ang magseselyo sa kanyang pagiging ganap na aktres.

[ad#post-ad-box]

‘Kasama ring napansin ng 2009 International Emmys ang teleserye nila Jericho Rosales, Cristine Reyes at Carmen Soo, ang Kahit Isang Saglit o A Time For Us, ang kahuli-hulihang proyektong ginawa ni Manong Gilbert Perez. Ito rin ang kauna-unahang joint venture project ng ABS-CBN at ng Double Vision SDN ng Malaysia. Pero katunggali nila rito ang Magdusa Ka ng GMA Network.

Hanggang ngayon ay hindi pa tumitigil si Angel sa pagtulong niya sa mga naging biktima ni Bagyong Ondoy. Sa katunayan, aktibo pa rin siyang sumasama sa mga relief at feeding programs ng ilang grupo sa mga lugar tulad ng Riverside, Barangay California sa Novaliches Quezon City. Tinanong namin si Angel kung ano ang kanyang natutunan sa trahedyang tumama sa atin kamakailan, at sa pamamagitan ng isang text message, ito ang pinarating sa amin ni Angel.

“Ang bagyong Ondoy ay nagsilbing wake-up call sa akin. Bilang isang mamamayan na nagbabayad ng napakalaking buwis sa ating pamahalaan, hindi ko maintindihan kung bakit hindi tayo handa sa ganitong sakuna. Nakalulungkot isipin na hindi natin maiaasa sa gobyerno natin ang pagtulong, kaya karamihan ay kusang tumutulong sa mga nasalanta. Nakatutuwa dahil karamihan sa mga volunteers ay mga kabataan. Kahit walang tulog, ligo, hindi pa rin iniinda ang pagod. Kahit magkasakit, masugatan, game pa rin sila. Nakaka-boost ng energy ang mga ganitong tao. Pero meron din naman na nakatutulong naman, pero may kapalit. Mga pulitikong nagugutom na nga ang mga tao, e nakuha pang mag-speech. Maski sa aming artista, may halong publicity. Pero basta nakatulong, ‘yun ang mahalaga. Ang nangyari sa mga kababayan natin ay hindi makatao kaya sana tratuhin nating sila bilang tao. ‘Wag natin silang hayaang mag-away dahil sa relief. Saludo po ako sa mga biktima. At kahit hindi ako natutuwa sa nangyayari sa ating gobyerno, masasabi ko pa rin na I’m proud to be a Filipino dahil sa mga Pinoy lang natin makikita ang ganitong pagmamalasakit sa kapwa.”

Previous articleFans ng Kimerald, OA!
Next articleCristine Reyes, may phobia na sa bubong – Ronnie Carrasco

No posts to display