PATULOY sa pagtulong ang aktres na si Angel Locsin sa mga frontliners at health workers na sumasabak sa COVID-19 crisis para iligtas ang mga kababayang Pilipino.
Ang huling balita namin ay nakapaglagay na si Angel ng mga temporary tents sa halos 30 ospital sa Metro Manila bilang pansamantalang tuluyan ng mga health workers. Ang malungkot lang na balita, kahit taus-puso ang pagtulong na ginagawa ng aktres ay iniintriga pa rin siya at inaakusahang “pabida.”
Mabuti na lang at hindi niya pinag-aaksayahan ng pansin ang mga ganitong klase ng basher. Dire-diretso lang si Angel sa pagtulong. Ang nangalaiti at nagtanggol sa kanya ay ang future husband na si Neil Arce.
Anyway, bukod pa sa mga kawang-gawa ay hinahangaan din ng mga Pilipino ang mga opinyong binibitiwan ni Angel sa kanyang social media account. Her latest post sa gagawing imbetigasyon ng NBI kay Pasig Mayor Vico Sotto tungkol sa diumano’y paglabag nito sa batas sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine ay muling nakatawag ng pansin sa publiko.
Ani Angel sa kanyang tweet, “Hindi ako nag mamarunong sa batas, pero sa opinyon ko, si Koko ang dapat ipatawag at hindi si Vico.”
Matatandaang humingi rin noon ng paumanhin ang aktres sa mga tao dahil ikinampanya niya at inendorso noon si Sen. Koko Pimentel. Ang senador ay lumabag sa quarantine protocol nung samahan nito ang asawa sa Makati Medical Center na malapit nang manganak kahit pa positibo na siya sa corona virus.