Tama lang din ang desisyon ni Angel Locsin na manahimik na lang muna tungkol sa isyu ng hiwalayan nila ni Luis Manzano. Nito kasing pareho na nilang itikom ni Manzano ang kanilang mga bibig para magbigay ng anumang pahayag tungkol sa kanilang break-up, unti-unting nawala ang mga intriga. Obviously, mayroon talagang mga taong lihim na nanggagatong para siraan ang magandang aktres, dahil sa pansarili nilang mga dahilan.
Matapang naman talaga ang personality ni Angel Locsin. Kaya nga siya nagtagal sa showbiz, ‘di ba? Mas lalo siyang nagpapakatatag ngayon para sa kanyang sarili, dahil loveless nga siya at mas tinututukan muna niya ang pagpapagaling ng sakit sa kanyang likod. Pero ang magandang nangyari, natutukoy rin sa showbiz kung saan nanggaling at kung sinu-sino ang pinanggagalingan ng mga paninirang naglabasan tungkol sa kanya nu’ng kasagsagan ng isyu sa hiwalayan nila ni Luis.
Sa mga bulung-bulungan sa showbiz kung sino ang mga nagpapakalat ng kasiraan ni Angel, lumalabas na ang pinanggagalingan ng mga intriga ay ang mga tao rin na dating nakasamaan ng loob at nagtanim ng hinanakit sa magandang aktres. Pinalulutang pa nila ang mga lumang kuwento laban sa ex-girlfriend ni Luis. Hindi naman sila nagtagumpay, dahil panis na ang mga lumang kuwentong iyon, kaya humupa na rin at nawala ang mga intriga.
Dan Fernandez, deserving bilang “Darling of the Press” sa Star Awards for Movies
DESERVING SI Congressman Dan Fernandez sa pagkakapanalo niya bilang “Darling of the Press” sa katatapos na PMPC Star Awards For Movies. Kung pakikitungo kasi sa press ang pag-uusapan, hindi siya nagbago kung ikukumpara ang kanyang ugali nung baguhan pa lang siya sa showbiz, hanggang sa ngayon. Siya ‘yung tipong kapag nakatanaw ng mga miyembro ng press sa anumang okasyon, hindi nakalilimot na makipagkumustahan at makipagtsikahan.
Noong isa pa lang siyang artista, kinakitaan na talaga siya ng mga kapwa niya artista sa kanyang husay sa pakikisama. Marespeto siya sa mga beteranong artista sa pelikula na kanyang nakasasama. Habang sa kanyang mga nakapanabayan naman sa pag-aartista, walang isa man ang nagkaroon ng reklamo sa kanyang ugali ng pakikisama bilang kaibigan at katrabaho.
Kung noon, paborito siya ng press dahil sa kanyang pagiging magiliw, hindi siya nagbago nung mapunta na siya sa larangan ng pulitika at maging congressman. Mas ipinaramdam pa niya sa mga manunulat sa showbiz, na mas makakaya niyang makatulong sa mga taga-media noong nasa maganda na siyang posisyon sa buhay.
ChorBA!
by Melchor Bautista