SUMAMA si Angel Locsin sa prayer vigil na ginanap sa harap ng ABS-CBN pagkatapos hindi bigyan ng prangkisa sa botong 70 ng Kongreso ang ABS-CBN nitong July 10, 2020.
Naging emosyunal din ang aktres sa kanyag naging pahayag sa naturang pagtitipon kasama ang iba pang Kapamilya stars at mga empleyado.
“Sa dami ng gusto kong sabihin, hindi ko alam kung ano ang uunahin ko. Sa dami ng nararamdaman ko ngayon, hindi ko alam kung paano isisigaw,” pahayag ng aktres.
Hinimok din ni Angel ang mga taga-entertainment industry na magsalita at hindi dapat manahimik sa mga panahong ito.
“Pero ang alam ko lang, ito ‘yung panahon para hindi tayo manahimik. Ito ‘yung panahon na hindi tayo dapat magwatak-watak. Ipakita natin kung ano ang relevance ng industriya na ‘to, na hindi lang tayo basta entertainment.
“Nakikiusap po ako, now is the time. Gamitin natin ‘yung boses natin sa tama. Naniniwala rin ako na ang isang kumpanya na may magandang hangarin para makatulong sa ating mga kababayan, lalo na sa gitna ng isang pandemya, ay kailangan na kailangan natin,” pakiusap ni Angel.
Iginiit din ni Angel na ang naging resulta ng botohan sa Kongreso ay hindi lang makakaapekto sa owners ng ABS-CBN, sa Lopez family, kundi maging sa mga maliliit businesses na naka-depende sa network.
Aniya, “Ang boto pong ito ay hindi lang po tungkol sa mga Lopez. Tungkol po ito sa lahat ng mga empleyado ng ABS-CBN, sa lahat ho ng nakikinabang sa ABS-CBN, hindi man ho nagtatrabaho sa ABS. Iyong mga nagtitinda sa canteen, mga suppliers.
“Kailangan po natin ng isa’t-isa, kailangan po natin magkaisa, dahil hindi lang po ito laban ng isang kumpanya. Buhay po ng mga tao ang nakasalalay dito — mga tao na may binabayaran, hinuhulugan, may pinapagamot, pinag-aaral, binubuhay na pamilya.”