SINO ANG MAG-AAKALA na dahil sa pagka-cutting classes para mag-mall ang simula ng isang showbiz career sa sikat na young actress na ito? Pero ‘yon na marahil ang talagang kapalaran ni Angel Locsin nang makita ng isang talent scout sa SM North Edsa habang naglalakwatsa.
Nagsimula si Angel sa pag-a-audition sa commercials hanggang napasama siya sa Batch 9 ng Star Circle ng ABS-CBN. Pero hindi pabor ang tatay ni Angel na pasukin niya ang showbiz, kaya naudlot pansamantala ang career niya. Sixteen years old pa lang ang aktres noon. Pero after one year, naging contract star na siya ng GMA-7.
Mula sa broken family si Angel. Naghiwalay ang mga magulang niya noong 14 years old pa lang siya. Pinili ni Angel na sa ama mamuhay. May kapansanan kasi ito sa mga mata. May dalawang kapatid si Angel.
Very athletic si Angel. Marahil kung hindi siya nakilala sa showbiz, sports naman ang tinutukan niya. Naging miyembro pa siya ng Philippine swimming team noon. Ilan pa sa paboritong sports ni Angel ay ang Muay Thai at Diving.
Una siyang nasilayan sa teen-oriented TV show na Click (1999). Napasama rin siya sa mga TV series na Ang Iibigin ay Ikaw Pa Rin (2003), All Together Now (2003), at Love To Love (2004). Pero ang biggest break ni Angel ay ang fantasy series na Mulawin (2004) kung saan nakilala ang karakter ni Alwina. Sa serye rin na ito sumikat nang husto ang loveteam nila ni Richard Gutierrez. Matapos ang Mulawin, muling binigyan ng lead role si Angel sa TV adaptation ng Darna. Ito ang highest-rating TV show ng GMA-7 nang taong ‘yon. Nasundan pa ito ng Majika (2006) at Asian Treasures (2007) kung saan nakasama ni Angel si Robin Padilla. Pero ito na ang huling TV project niya sa Kapuso network. Lumipat ng ABS-CBN si Angel.
Dahil isang prized talent ng GMA-7, naging masalimuot ang naging paglipat ng aktres lalo na at naging very vocal ang executives ng TV network sa pagkadismaya sa naging desisyon nito. Isang sex video scandal din ang kumalat sa kasagsagan ng paglipat ni Angel. Pero sa huli, napatunayan na hindi ang aktres ang nasa video kundi isang foreigner na kahawig lang nito.
Unang isinalang si Angel sa drama anthology na Maalaala Mo Kaya, kung saan napanalunan niya ang first acting award niya, Best Single Performance by an Actress, sa 2008 Star Awards for TV ng Philippine Movie Press Club (PMPC). That same year, ipinareha si Angel sa top-actor ng ABS-CBN na si Piolo Pascual sa fantasy series na Lobo. Top-rating din ang naturang TV series.
Sa pelikula, ang first appearance ni Angel ay sa Ping Lacson: Supercop (2000). Naging top-grossing movie naman ng GMA Films ang Let The Love Begin (2005). Kumita ito ng 120 million pesos. That year din, kumita naman ang Regal Films ng 116 million pesos sa I Will Always Love You. Most recently, napanood sa Love Me Again si Angel, ang kauna-unahan niya para sa Star Cinema kung saan nakapareha niyang muli si Piolo.
Nang umalis sa GMA-7 ang aktres, ini-launch ng istasyon si Marian Rivera. Ang sinasabing matinding ‘kalaban’ ngayon ni Angel. Katatapos lang ng TV series na Only You at sisimulan na ang isang bagong TV project ng aktres sa ABS-CBN.
by Eric Borromeo
Click to enlarge.