HINDI RAW maitago ang saya ni Angel Locsin na mula sa guesting ay regular na siyang mapapanood sa top-rating sitcom ng ABS-CBN, ang Toda Max. Isa pa sa rason kung bakit masaya si Angel ay dahil makakasama niya muli ang una niyang nakasama sa huling teleserye nito sa GMA-7 na Asian Treasures noong 2007, na si Robin Padilla.
“Nagulat ako, I mean, nanibago ako. Si Kuya Robin kasi ‘yung kulang na lang ay bitbitin ang sarili kong upuan para ipaupo sa akin.”
“Sobrang pampered ako sa kanya. Pati si Vhong ay naimpluwensiyahan na rin niya. Marami ang makakapagpatunay niyan sa mga naging leading lady niya sa kanyang pag-aalaga.”
Ibang-iba raw katrabaho si Robin na bukod sa napaka-professional na aktor at maalaga, ipapi-feel niya raw talaga sa ‘yo na pamilya ka ng show at mararamdaman mo talaga ang importansiya sa kanya.
DAHIL SA sobra-sobrang kahihiyang dala ng mga pasabog ng taklesang host na si DJ Mo Twister na sangkot ang kanyang buong pagkatao ay nag-file na ng kaso ang The Road at Ang Panday 2 star na si Rhian Ramos laban dito.
Full support ang ina nito na sinamahan siya para pirmahan ang reklamong isinampa laban sa ex-BF sa harap ni Atty. Lorna Kapunan. Kung saan after nitong purmirma ay mariing yumakap ito sa kanyang ina habang umiiyak.
Sa ngayon ay humihingi muna si Rhian ng police protection para matigil na ang diumano’y paninira sa kanya ni Mo na nasa New York na.
“More than people have seen, I’ve been hurt over a longer period of time, unnecessarily and undeserved. I just hope to be able to put an end to this, so I can move on,” ani Rhian.
Tsika nga ng abogado ni Rhian na si Atty. Kapunan, “Emotional harassment ang ginagawa ni Mo at pagod na si Rhian sa ginagawa nito kaya hinihingi rin nila na ‘di na maglabas ng video o letter si Mo.”
Ayon na rin sa ina ni Rhian, deva-stated daw ang Kapuso Star sa mga inilabas ni DJ Mo na kasi-raan sa anak. Pero nand’yan daw ang kanilang buong pamilya para suportahan si Rhian sa kanyang laban against Mo.
PARA RAW malimutan ang bangungot na dala ng tatlong pulis na nang-harass sa kanya, pinagtuunan na lang ng pansin ng batikang host/comedian at successful businessman na si Arnell Ignacio ang acting via Stella Adler Academy of Acting, para daw mabalikan nito ang kanyang kaalaman pagdating sa pag-arte sa teatro, kung saan ito kabilang nu’ng nagsisimula siya.
Kuwento ni Arnell na sobrang tagal na rin daw simula nang huminto siya sa pag-arte sa teatro nang inagaw siya ng telebisyon at pelikula. Kaya naman daw nang malaman nitong magko-conduct ng workshop ang Stella Adler ay hindi ito nagdalawang-isip na mag-join.
At kahit nga raw may kamahalan ang bayad sa nasabing workshop, okey lang kay Arnell dahil alam niyang may mas matututunan pa siya pagdating sa tamang pag-arte na pang-international ang arrive, dahil mga bigatin at mahuhusay talaga sa larangan ng pag-arte ang kanilang mga facilitator from Stella Adler.
MASAYANG-MASAYA ANG young actor na si Hiro Magalona sa pagkakasama sa last part ng Shake, Rattle & Roll 13 ng Regal Flms na entry sa 2011 Metro Manila Film Festival.
Tsika ni Hiro, bata pa siya ay pinapanood na niya tuwing sasapit ang Pasko ang Shake, Rattle & Roll kaya naman daw ng maging Regal Baby siya ay ni-request niya kay Mother Lily Monteverde na isama sa taunang horror film nito, kaya naman isinama siya rito.
Dagdag pa ni Hiro na sobrang lucky raw siya dahil bukod sa unang pelikula niyang ito, ito na rin ang magsasara at huling part ng Shake, Rattle & Roll na in-announce na ni Mother Lily na ayon dito ay sobrang tagal na, kaya naman daw ito na ang huling yugto ng mga katatakutang istorya ng Shake, Rattle & Roll na inaabangan tuwing Kapaskuhan.
John’s Point
by John Fontanilla