PINAG-UUSAPAN LATELY ang mga nai-tweet ni Angel Locsin sa kanyang Twitter account bilang reaksiyon sa medyo negative na naging komentaryo ni Arnold Clavio tungkol sa Philippine football team na Azkals, kung saan miyembro nga ang rumored boyfriend niyang si Phil Younghusband.
Kaugnay nito, nagkakaroon ng issue na galit daw ang aktres kay Arnold na kaagad namang nilinaw ng aktres nang makausap namin last Wednesday sa awards night ng 28th PMPC Star Awards For Movies, kung saan siya ang itinanghal na Best Actress para sa mahusay niyang pagganap sa In The Name Of Love.
“Mabait sa akin si Kuya Arnold,” paunang pahayag ni Angel. “Mabait siyang tao talaga sa akin. ‘Yun lang, parang… siyempre naawa rin ako sa tao (kay Phil at iba pang miyembro ng Azkals). Nagpapakahirap sa ibang bansa na lumalaban dala ‘yong pangalan ng Pilipinas. Tapos nakakalungkot na ‘yong ibang tao pala, hindi tanggap na Pilipino sila, ‘di ba? So parang nalungkot lang at naawa ako. Kasi kapag nagki-care ka at nagmamahal ng tao, tapos nakikita mong nasasaktan, parang aalma ka.”
Ano ba ‘yong mismong comment ni Arnold na for her ay offending nga ang dating?
“Naawa lang naman ako na… porke ba half, hindi na Pilipino? Pilipino pa rin sila. Hindi naman sila makakalaban sa ibang bansa kapag hindi sila Pilipino, e. Kawawa rin naman ‘yong ibang mga kababayan natin sa ibang bansa na porke ang nanay o tatay nila ay ibang lahi… hindi pala sila Pilipino. So, parang huwag namang gano’n.
“I’m sure hindi naman sinasadya ni Kuya Arnold ‘yong statement niya. Siguro nadala lang siya. O wala siyang masamang intensiyon.
“Klinaro ko lang. Kasi siguro bi-lang journalist, maraming nakikinig sa kanya. So, kawawa naman ‘yong mga nadadamay na tao. Na wala namang ginagawang masama.”
May isyung sexual harassment na naman kasi sa ilang miyembro ng Azkals. Pero hindi kasali sa usaping ito si Phil.
“Actually hindi ko siya kinakausap tungkol sa kung anumang isyu. Kasi alam kong masasaktan siya, e. May mga bali-balita na nalalaman din niya. Pero sa ngayon kasi, ang focus niya talaga, sa laban, e. Kaya nga kawawa. Proud na pround na niri-represent ang Pilipinas. Mas Pilipino pa nga sa akin ‘yon (si Phil), e. Tapos hindi pala siya Pilipino sa tingin ng iba. So, ang sakit. Ang sakit lang. Huwag naman sanang gano’n. Ang hirap din na pumapatol ako sa issue ng iba kapag mahal ko. Pero kapag issue ko, quiet na lang ako. Pero iki-clear ko ang issue, hindi po kami nag-aaway ni Sir Arnold. Wala pong ano… tingin ko po, mabuting tao siya. In-express lang niya ang opinyon niya. Sinabi ko rin lang naman ang opinyon ko.”
Tungkol naman sa kanyang panalo as best actress, kita namin kung gaano kasaya si Angel Locsin nang umakyat sa stage para tanggapin ang napanalunang best actress trophy para sa mahusay niyang pagka-kaganap sa In The Name Of Love. Aminado siyang ninenerbiyos pagdating sa Meralco Theater, kung saan ginanap ang 28th PMPC Star Awards for Movies recently.
“Kinakabahan po talaga ako buong gabi. Kahit no’ng nagpi-present ako, wala ako sa ulirat ko. Kasi ninenerbiyos nga po ako. Kasi… para sa akin, ang gandang chance no’ng In The Name Of Love. ‘Yong acting, gusto ko po do’n. ‘Yong istorya. No’ng nalaman ko na mga bigatin ‘yong makakasama ko sa mga nominado… sina Anne (Curtis), Lovi (Poe), Ate Uge (Eugene Domingo)… parang… kakayanin ko ba ‘to? Mara-ming salamat talaga sa PMPC sa tiwala. Pangalawang award ko ito. ‘Yong una po sa TV (Star Awards For TV).”
Parang advance birthday gift na rin daw niya ang napanalunang award. Sa March 23 na raw kasi ang kaarawan niya. At saka natutuwa ako kasi, itong year na ito, pang-sampung taon ko na sa showbusiness. Tapos naalala ko na sinasabi ko dati… sana kung susuwertihin ako, inabot ako ng sampung taon, sana makakuha naman ako ng acting award sa pelikula.”
That time na kausap namin si Angel, natanong namin kung sino ang unang-unang nasa isip niyang tatawagan para sabihing nanalo siya as best actress?
“Una ang tatay ko. Pangalawa, si Phil,” nangiting sagot ng aktres. “Sa-sabihin ko sa kanya, may trophy rin ako, akala mo, ha! Akala mo, kayo lang may trophy, ha!” napahalakhak na biro pa niya.
May celebration ba sila ni Phil na pinaplano kaugnay ng kanyang pagkapanalo bilang best actress at ng nalalapit niyang birthday?
“Sana. Kaya lang, baka March 21 pa ang uwi niya. Kasi, ‘di ba may laban pa sila sa Nepal? Happy ako for them. Pero siyempre, nakaka-miss.”
‘Yun na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan