BONGGA ANG MGA gowns na inihanda ni Angel Locsin para sa kanyang pagpunta sa International Emmys kahapon. Hindi basta basta ang mga gowns na ito dahil ang isang gown na susuotin ni Angel mismo sa red carpet na gawa ni Michael Cinco ay nagkakahalaga ng isang milyong piso!!! Yes! Tama ang nabasa n’yo! Ayon ‘yan mismo sa kuwento sa amin ng kanyang manager na si Becky Aguila na kasama ni Angel na lumipad patungong US.
Hindi nga raw nakasama si Piolo Pascual sa kanyang pagpunta sa Emmys dahil ngaragan ang taping nila ni KC para sa pagta-tapos ng Lovers in Paris. Nag-congratulate naman daw si Luis Manzano pero walang alok na samahan siya sa US na nangyari, kuwento ni Angel.
Lahat ngayon ay nakaabang kung anong kinalabasan ng awards night, kung naiuwi ba ni Angel ang big award for Best Actress. Bago pa man sila umalis, masaya na ang kanilang kampo sa nomination na kanilang nakuha at bonus na talagang maituturing kung makukuha pa ni Angel ang big award. Si Angel ay pangalawa pa lang sa Pinoy actresses na na-nominate sa naturang award giving body – una ay si Tessie Tomas para sa pagganap nito ng Imelda Marcos.
Nagbubunyi for sure ang mga fans ngayon ni Angel sa big achievement na ito ng kanilang idolo at mas mag-e-enjoy talaga sila dahil bukod sa pelikulang gagawin nila ni Aga Muhlach, may teleserye pa itong gagawin kasama si John Lloyd Cruz. Nagsimula na nga ang brainstorming para sa magiging takbo ng kanilang teleserye at isa ito sa mga magiging offering ng ABS-CBN sa 2010.
Good luck Angel at congratulations!
SI DINGDONG DANTES ang namuno sa naganap na Alliance of Youth Organizations convention kahapon, Linggo, sa Quezon City Circle kung saan napakaraming mga grupo ng kabataan mula sa iba’t ibang bahagi nang bansa ang nagtipun-tipon para magpakita ng suporta para sa ine-endorso ni Dingdong na presidentiable.
Pero may ilang bagay na nilinaw si Dingdong tungkol sa kanyang pagpapakita ng suporta sa alyansa ng mga kabataang ito. Hindi raw ito bahagi ng kanyang paghahanda sa pagtakbo sa pulitika. Masaya na siyang nakatutulong at nakapagpapakita ng suporta sa mga taong pinaniniwalaan niyang makapagbibigay ng magandang pagbabago sa ating bayan, at hanggang doon na lang muna. Pero sinundutan namin ito ng tanong na, “Kung sakaling manalo nga si Noynoy, at alukin ka ng puwesto sa gobyerno na magpo-focus sa mga kabataan, tatanggapin mo ba?” Pareho lang din ang naging sagot ni Dingdong, sinabi pa niyang nag-e-enjoy siya ngayon nang husto sa takbo ng kanyang showbiz career kaya roon na muna niya gustong mag-focus, pero dinagdagan niya ito ng linyang, “I’ll cross the bridge when I get there.” Hindi tuloy maiwasang isipin ng mga tao sa naturang presscon na baka magbago ang isip ni Dong.
Hindi man tumakbo si Dingdong, sangkaterba naman ang mga artistang tatakbo sa 2010 elections sa iba’t ibang posisyon sa local at national posts. Bukod sa mga obvious na celebrity re-electionists, sorpresa ang mga bagong pangalang tatakbo tulad nila Angelica Jones, Lani Mercado at Alfred Vargas.