Angel sa aking pitaka

HINDI AKO PAKIALAMERO. O sumasawsaw sa buhay ng kanino man. Nagkataon lang na sa akin ang anghel ng mga anghel ay si Angel Locsin. Sa realidad at pantasya, iba ang dating niya. Ala-Mona Lisa ni Michelangelo. Sexy. Misteryoso.  Nanunukso. Nanghahalina. Ngunit may mga ngiting parang birhen sa isang malayong dambana.

Sa aking pitaka, ikukumpisal ko na ang larawan ni Angel ay kasama ng mga larawan ng aking maybahay at mga apo.  Kinakantsawan nila ako. Dad, kung kailan ka pa tumanda ay saka ka pa naging showbiz. Nagkibit-balikat ako. Worship ko talaga si Angel!

Ngunit nitong mga huling araw, napansin ng aking mga apo na hindi ako nagkakakain. Laging nakatingin sa malayo at tila nag-iisip nang malalim. Totoo. Iniisip ko na mukhang nahuhumaling na ang aking idolo sa isang sikat na Fil-British soccer player. ‘Di ko gusto ang kara ng player. Masyadong mestiso. Arogante ang dating. At sa aking tila nagseselos na puso ay hindi bagay kay Angel.

Ngunit ano ang aking magagawa? Maaaring ang pantasyang ito ay dala ng aking ‘di mapipigilang pagtanda. Naghahanap ng mga ala-alang maganda. Kumakapit sa halimuyak ng isang pumanaw na pangarap. Habang nakatuon ang mata sa malayong himpapawid at binabalangkas ang daan na patutunguhan pagkatapos ng paglalakbay sa daigdig.

Sana ‘wag nang makarating kay Angel ang aking hinagpis. Kung ano man, hangad ko ang kanyang ibayo pang tagumpay at kaligayahan.

At kung ano man din, ang kanyang larawan ay laging maiiwan sa aking pitaka.

BORING TO DEATH. Ito ang pinakamabait na maiikomentaryo ko sa TV program ni Willie Revillame sa TV5. Pangita, wala na siyang asim, hatak at kalawit sa pagho-host. Paulit-ulit ang corny jokes at spiels. Parang batang kalye, walang katiting na professionalism.

Sa wari ko, tinamaan siya nang todo nu’ng kanyang huling kontrobersya tungkol sa child abuse. Kumalas na ang maraming big time advertisers. Naiwan na lang mga pipitsuging ads at balita, kakalas na rin ang mga ito ‘di malalaunan.

Ay, grabeng disappointment kay Shalani. Hindi na-develop ni Willie. Para pa ring tuod na kailangang hagisan ng labintador para magsalita o kumilos. ‘Di pa sumisikat ay nalaos na. Masakit mang sabihin.

Naniniwala kaya sa karma si Willie? Totoo marami siyang natutulungan ngunit ang tulong ay hindi nanggaling sa kanyang sariling bulsa. Ngunit totoo rin kaya na nu’ng naging sikat na siya, marami siyang iniwang mga kaibigan na tumulong sa kanya nu’ng siya ay down and out sa buhay?

Lahat ng bagay ay may katapusan. Magaling o masama.

Quip of the Week

Tanong: “Ano’ng talagang sasakyan na ibinigay ng PCSO sa mga pari?”

Sagot: “Nissan saPARI.”

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleBagman ni Col. Olay at mapanganib na PNP car
Next articleSuportang pinansiyal ng ama sa ‘di lehitimong anak

No posts to display