MAGDEDEMANDA SI Angelica Jones laban sa politician na si Batangas Councilor Gerard Alday kaugnay sa pagtalikod nito sa kanyang kalagayan ngayon.
“Oo, plano ko talagang magsampa ng kaso. Pero sa ngayon, mas gusto kong paghandaan ang pagdating ng aking anak na si Angelo Timothy Benedict,” sabi ni Angelica nang makausap siya ng Pinoy Parazzi sa Rembrant Hotel.
Ayon kay Angelica, nagulat na lang siya nang bigla siyang iwanan sa ere ni Councilor Gerard.
“Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Dahil noong una, siya ang may gustong magkaanak na kami and yet nu’ng malaki na ang tiyan ko, hindi na siya nakikipagkita sa akin. Ni wala na ka-ming communication, basta na lang niya akong iniwan sa ere,” sunud-sunod pang sabi ng actress-politician.
Sa kabuuan, sinabi ni Angelica na mahirap ang kalagayan niya ngayon, lalo pa at anytime ay manganganak na siya, kung saan nakatakda siyang magsilang sa Global Hospital.
“Normal delivery ako, pero titignan pa rin. Kasi alam n’yo naman na may problema sa matris ko, ‘di ba? Kasi ‘yung myoma, nandu’n pa rin,” pagwawakas ni Angelica sa Pinoy Parazzi na agad namang sinalo ng kanyang ina ang sumunod nang kuwentuhan.
“Masaya ako dahil magiging grandmother na ako. Pero hindi ako magpapatawag na lola, kasi parang matanda na ako. Pero sa totoo lang, kahit iniwan si Angelica nu’ng lalaking ‘yan, masaya pa rin ang aming pamilya dahil mala-king blessing ang pagdating ni Angelo sa amin,” sabi ni Mommy Beth.
Ayon kay Mommy Beth, hindi raw niya sukat akalain na babastusin at iiwan si Angelica ni Coun. Gerard. “Maganda ang ipinakita namin sa kanya. Tinanggap ko siya sa bahay namin at hindi ko akalain na gaganu’nin niya kami. Inilagay niya ang anak ko sa malaking problema. Pero okay lang kahit hindi niya panagutan ang anak ko, hindi namin iyon kawalan.”
Sa kabilang banda, nananatiling tahimik ang sinasabing ama ng ipinagbubuntis ni Angelica, dahil ayaw nitong maeskandalo ang pamilyang tinitingala sa Batangas.
PERSONAL NA nakausap ng Pinoy Parazzi si Nora Aunor sa taping ng programang Untold Story. At ayon sa Superstar, masaya siya dahil this coming September 4 ay tutulak siya patungong Berlin kasama si Direk Brillante Mendoza para sa pelikulang Thy Womb.
“Actually, masayang-masaya ako dahil ang dami-daming pelikula ang sumali sa Berlin Film Festival, pero ang movie’ng Thy Womb ang isa sa mga napili. At iyon lang ay maituturing na nating karangalan,” pahayag ni Mama Guy.
Ayaw nang pag-usapan ng nag-iisang Superstar ang Metro Manila Film Festival na nandeadma ng kanilang pelikula. “Kung hindi nila nagustuhan at nakapasa sa standard nila ang Thy Womb, iginagalang natin iyon. Ang importante ay napansin tayo sa Berlin at sa iba pang bansa.”
Sinabi ni Mama Guy na hindi siya umaasa ng acting award dahil ang mapanood lang daw at mapasali sa Berlin ang kanilang pelikula ay masaya na siya.
Sa kabilang banda, tinutuligsa si Mama Guy ng ilang detractos, kung saan ay nagsabi ang mga ito na mas bongga raw sana kung hindi lang pagre-repack ang ginawang tulong ng Superstar sa mga nasalanta ng habagat. Dapat daw ay nag-donate ito.
“Ako naman ay hindi nagpapapuri sa kanila. Basta ang ginawa kong tulong ay taos-puso. Actually, noon pa man ay tumutulong na tayo sa mga kababayan natin kapag may mga ganitong kalamidad. Ayoko nang isa-isahin pa kung ano ang ating ibinigay. Basta ang importante ay alam natin sa ating sarili na kahit paano ay masaya tayo dahil alam nating may mga taong napapasaya tayo,” pag-lilinaw ni Mama Guy.
More Luck
by Morly Alinio