NAGING MASAYA ang Q & A portion ng presscon ng Beauty In A Bottle ng Skylight Films at Quantum Films sa mga naging pahayag nina Angelica Panganiban, Angeline Quinto at Assunta de Rossi na dinirek ni Antonette Jadaone. Nakasentro ang istorya sa tatlong babae naghahangad magkamit ng perpektong kagandahan.
Kilala si Angelica sa pagiging dramatic actress. Nag-switch rin siya sa pagiging comedianne, naging top star ng gag show. Ayon sa kanya, malaki ang naitulong ng comedy film na Here Comes The Bride para lalong maging effective siya as a comedianne. “Siyempre, malaking workshop ‘yun para sa akin. Siguro ‘yung tingin nila sa amin naglalaro lang kami. Pero sobrang hirap ng comedy. Nagda-drama ako since bata pa ako. Simula ng 1993 ‘yun talaga ang ginagawa ko palagi. Pero parang nakasanayan mo na siya pagdating sa drama. ‘Yung emotion mo na lang talaga ang gumagana. Pero pagdating sa comedy, gumagana ang utak. Ngayon nag-comedy ako, kailangan pala matalino ka. Kailangan smart ka, witty ka, mabilis ka, hindi puwedeng papatay-patay ka. May emotion ka na may talino ka pang dapat gamitin,” paliwanag niya.
Bawat babae dumaranas ng insecurity sa sarili tulad ni Assunta. “‘Yung aging hindi pa naman siya problema sa tingin ko lang, kasi 31 pa lang naman ako. Feeling ko, ang nagiging problema sa tingin ko, ‘yung outer appearance at saka ‘yung mga insecurities. ‘Yung kutis porselana, ‘yung walang pores. Sobra kasi akong oily… pimples. Sobrang maintenance. Sa tingin ko, napapagod na ako. Sana pinanganak akong maganda ang kutis, walang pores. Ako kasi kaunting make-up barado na ‘yung pores ko. Light lang ang insecurity ko ngayon, although nababawasan na. Parang I can’t wait na tumanda na ako. Lalo na ngayon sa TV, ang kamera ngayon, HD na, kitang-kita. I wish I was born na walang pores, ‘yung clear skin, ‘yun,” pahayag ng actress.
Pagdating sa pagpapaganda, hanggang beauty product lang si Assunta. Never raw siyang magpaparetoke. “Ina-avoid ko ‘yun, ayaw ko talaga. Mas gugustuhin kong mamatay ako sa katangahan kaysa mamatay tayo sa vanity. Napaka-vain ko, gusto ko ‘yung typhical lang. Mahilig ako sa beauty products, I have to admit. Alam ko kasi ang itsura, nanonood ako sa TV, Internet ako lagi. So, alam mo kapag retokada. Iisa kasi ang itsura, parang alien na hindi mo maintindihan. Sabi ko, some of them go over board. Aminin natin, si Cat Lady, alam ninyo kung sino siya, International star. Ayaw ko, baka ma-divorce ako, ayaw ko pa. Bawal talaga ‘yung mga tattoo, surgery ipinagbabawal ‘yun sa bahay, pero okay lang naman. Pero ang totoo n’yan, dati talaga akong lalaki…” natatawang sabi ni Assunta.
Hindi itinanggi ni Angeline na marami siyang insecurity nu’ng time na finalist pa lang siya sa Star Power. Hindi naman kasi siya kagandahan at alam niya ‘yun. “Una kong naramdaman ‘yun nu’ng nasa Star Power pa ako. Halos lahat ng mga kasama ko roon, talaga namang may mga itsura. Para sa akin, every time na nagmo-mall show kami last last year. Parang bilang lang ‘yung nagpapa-picture sa akin, sa kanila ang dami. Naranasan ko pa nga, grupo kami, sa akin pa nakisuyo para magpa-picture. Hindi yata niya alam na contestant din ako.
“Sobrang thankful ako nang manalo ako. Kinuha ako ni Doctora Belo para maging endorser niya. Sobra akong natuwa dahil ang dami niyang ibinibigay na mga gamot. Na-experience ko ‘yung pampaputi. Every day mo siyang iniinom, once a day nga lang. Pero ako ginagawa kong twice a day, umaga at saka gabi. Habang tumatagal kasi, mas napapansin ng mga tao, happy akong tignan. Sinasabi ko sa sarili ko na mas good vibes lang ‘yung dating sa tao, mas napapansin ka, ‘yun.”
Sobrang effort ang ginawa ni Angeline para ma-achieve niya ‘yung beauty sa kanyang sarili. “Hindi naman ganu’n agad na pumuputi agad sa pills. So, ang ginawa ko, nagpa-injection na ako. Medyo umepekto na dahil tatlong taon na. Kung dati ang tiwala ko sa sarili ko 20 percent, ngayon nasa 70 percent na.”
Sabi nga ni Direk Antonette, natural daw ang pagiging komedyana ni Angeline. “Depende sa mood ko. Kung minsan ang hirap ding magpatawa. Since ito ang trabaho ko, so kailangan gawin. Idol ko si Angelica sa pagpapatawa. Sakto lang ang pagpapatawa ko.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield