All set na ang buong team ng I Love You, Goodbye para sa nalalapit na Parade of Stars sa December 24 na gaganapin sa Roxas Boulevard. Ilang linggo ring nag-mall show ang mga artista ng pelikula at talaga namang dinagsa ng tao ang lahat ng malls na kanilang napuntahan. Pero sa lahat ng iyon ay wala si Gabby Concepcion. Ang pagkaka-alam namin ay nagpunta kasi ito ng US para samahan ang ina na malungkot. Doon balak nilang pamilyang mag-Pasko.
Napakasipag ni Angelica Panganiban na mag-promote ng kanyang pelikula. Pati ang kanyang boyfriend na si Derek Ramsay ay napakatiyaga ring makipagkamay at makipag-aliwan sa mga fans na ilang oras ding naghintay para lang makita ang dalawang big stars. Kahit pa nga may sakit si Derek, pinilit pa nitong makapunta sa kanilang mall shows para samahan si Angelica.
Sumipot din sa mall show si Kim Chiu at todo talaga ang tilian ng mga tao sa kanya. Hindi na nga magkamayaw ang mga tao at tumayo na sa kanilang silya at sumugod na sa stage. Nakatatakot lang kasi, may mga bata rin at baka madaganan ng mga matatanda. Hindi matatawaran ang kasikatan ngayon ni Kim pero tinanong namin siya kung anong pakiramdam niya na may pelikula siya pero hindi si Gerald ang makakasama niya.
“Actually kinakabahan ako, kasi first time kong gumawa ng project na hindi si Gerald ‘yung kasama ko. Pero excited na rin, kasi ibang Kim ang makikita nila rito. Matured ‘yung character. Pero abangan na lang din nila next year naman, ‘yung movie namin ni Gerald ang ipalalabas. Pero ngayong Pasko, ‘eto na munang I Love You, Goodbye.” Paliwanag ni Kim sa lahat ng fans na nasa mall show noong Linggo.
Kuwento ni Angelica, maganda at masayang katrabaho si Kim, and ganu’n din ang tinuran ng huli sa sexy actress. “’Pag nalulungkot ako o ‘pag inaantok kami sa set, si Angelica ‘yung laging nagpapatawa sa akin. Kaya nawawala ‘yung antok ko. Masarap siyang katrabaho,” pahayag ni Kim. Nakita naman daw ni Angelica ang dedikasyon at passion ni Kim sa kanyang trabaho. Talagang pinag-iigihan daw ni Kim ang kanyang pag-arte kaya kaabang-abang daw ang mga eksena nilang dalawa.
Panoorin natin ang lahat ng mga pelikula sa MMFF 2009 pero unahin n’yo na ang I Love You, Goodbye para todo na ang kiligan, iyakan at maramdaman n’yo ang importansya ng mga taong nagmamahal sa inyo, gaya nga ng laging sinasabi ni Derek Ramsay. Ang mga iba pang pelikulang kalahok ay ang: Wapakman ni Manny Pacquaio, Shake Ratte and Roll XI kung saan kasama si Ruffa Gutierrez, Mano Po 6 with Ms. Sharon Cuneta, Ang Darling kong Aswang with Vic Sotto and Cristine Reyes, Panday with Bong Revilla at ang Nobody Nobody but Juan kasama naman ang King of Comedy na si Tito Dolphy.
Nood na and Merry Christmas, ha!