NAGPAHAYAG na rin ng kanyang saloobin ang Kapamilya actress na si Angelica Panganiban tungkol sa pagsasara ng ABS-CBN nitong Martes ng gabi, May 12, sa online protest ng Kapamilya stars sa Facebook Live.
Composed, malumanay at mahinahon ang mga naging pahayag ni Angelica na umani ng papuri sa netizens.
“Sa mga hindi nakakaalam, ako po ay ampon. Lumaki ako sa isang pamilya na hindi ko naman kadugo. Pero ni minsan ay hindi ko naramdaman na hindi nila ako kapamilya. Kahit hindi ko sila kadugo, sa susunod ko buhay sila pa rin ang hihilingin kong kapamilya ko.
“Tulad ng pagmamahal na binigay sa akin ng ABS-CBN, yinakap nila ako ng buong buo, tinanggap ng kung sino ako at binigyan ng pangalawang tahanan. Sila ang naghubog sa akin ng kung sino ako.
“Sila rin ang nagturo sa akin kung paano manindigan, maging matapang at magbigay na galing sa puso. Kaya bilang ganti, nais ko ibalik ang lahat ng aking natutunan, ang pagbibigay serbisyo at tulong sa kapwa Pilipino,” kalmadong simula ni Angelica Facebook Live.
Iginiit ng aktres sa mga sumunod niyang pahayag na naniniwala siya na mahalaga ang magkaroon ng kalayaan sa pagpapahayag ng nararamdaman bilang artista at indibidwal.
“Bilang isang artista, ginagampanan ko ang bawat karakter ng buong buo, walang labis, walang kulang. Ang hinahanap sa amin ng aming taga-panuod ay katotohanan at yun ay makakamit namin kung malaya kaming gumagalaw sa espasyo ng pamamahayag.
“Naniniwala ako na mahalaga ang kalayaan para sa katulad kong artista. Ang maipahayag ang aking saloobin ng buong tapang at walang halong takot. At bilang artista ng bayan, tayo ay magsisilbing boses para sa mga hindi makapagsalita, tenga para sa hindi makarinig at mata para sa hindi nakakakita.
“Tayo ang magiging sandigan nila kung sila ay nalulungkot at gustong tumawa o sumaya, magbigay ng impormasyon sa panahong kailangan nila. Ito ang aming responsibilidad. Pero higit sa lahat ng yan, inaalay din namin ang aming puso.
“Kaya ko piniling humarap sa inyo ngayon, dahil nararamdaman ko ang hirap, agam-agam at walang kasiguraduhang kinabukasan nating lahat ngayon.”
Dahil din daw sa pagsasara ng kanyang home network ay tinanggalan ang taumbayan ng kalayang pumili ng panonoorin sa TV.
“Alam nating lahat na hindi lang kami ang talo sa pagpapasara ng ABS CBN. Taumbayan ang talo sa laban na ito. Sa pagpapasara nila sa ating tahanan, hindi kayo binigyan ng kalayaang mamili.
“Sila na ang namili ng kung ano lang ang inyong papanuorin. Hindi ito tama. Hindi ito tama sa bansa natin na may demokrasya. Sa bansa natIn na dapat ay may kalayaang mamili at kalayaang makapagpahayag. Hindi tayo papayag na iilang tao lang ang magdidikta sa atin kung ano ang ating papanuorin at papakinggan.
“Ipaglalaban natin ang inyong karapatan at kalayaan na makapagpahayag ng inyong saloobin, at sana ay ganun din kayo sa amin,” pagdidiin pa niya.
Gusto ring linawin ni Angelica na hindi ang ABS-CBN ang kalaban ngayon ng mga tao.
“Tandaan sana natin na hindi ABS-CBN ang ating kalaban ngayon kung hindi ang COVID-19. Hindi ang mga artista na nagpapahayag ng kanilang saloobin ang kalaban ngayon.
“Ang issue ay free mass testing. Ang issue ay pagbibigay ng ayuda para sa mga taong mas nangangailangan. Ang issue ay ang pagiging handa ng ating health care system sa isang pandemya.
“Ang issue ay ang kawalan ng trabaho ng milyon-milyong Pilipino. Ang issue ay kung saan kukuha ng pangkain ang bawat pamilya.
“Hindi ABS CBN ang kalaban. Virus ang kalaban. Yan ang kailangang sugpuin. Yan ang kailangang sagutin,” pagdidiin ulit ni Angelica.