ACCORDING TO ANGELICA Panganiban, tuloy na ang African safari nila ni Derek Ramsay sa June 6.
Nang tanungin ang aktres sa press conference ng Here Comes the Bride kung sa tingin niya ay roon gagawin ni Derek ang proposal nito sa kanya, sagot ang Angelica. “’Wag i-preempt. Mas maganda ‘yung kahit nasaan kami, basta mag-pop na lang ‘yun. Huwag nating i-pressure ‘yung tao. At saka, kung ako talaga, mas gusto ko s’yempre na ‘yung dito siya mag-propose.”
Isang buwan din kasing mamamalagi sa Africa ang dalawa.
“Sabi ko nga, hindi pa naman namin inuupuan at pinagpaplanuhan ang kasal. Although paminsan-minsan, dumadaan lang siya. If ever, gusto ko ‘yung tahimik lang. Simple lang. Kaya, ‘wag ring isipin na roon kami sa Africa magpapakasal. Maingay roon. Maraming hayop sa paligid. Eh, gusto ko nga, tahimik, ‘di ba?”
Sa mga sagot din ni Angelica sa mga tanong about Derek – na siya pala ang dapat leading man sa Here Comes the Bride –dahil katatapos nga lang nilang dalawa sa isang pelikula nila kaya pinalitan – sa bagong leading lady nito sa TV na si Gretchen Barretto – gustong sabihin ni Angelica na wala siya ni katiting mang pagseselos na nararamdaman.
So sure of herself si Angelica when it comes to Derek, ha?
HINDI MAKAPANIWALA si Dennis Trillo na siya ang tatanggap ng parangal na Best Performance in a Supporting Role (Drama, Musical or Comedy) sa katatapos na 7th Golden Screen Awards ng ENPRESS (Entertainment Press Society), Inc.
Kaya, tama naman ‘yung joke ng anchor that night na si Arnell Ignacio, na parang bagong gising si Dennis.
Sabi naman ni Dennis eh, totoo nga na medyo pagod siya dahil sa taping niya. And he had to be at Teatrino dahil ang mga tawag nga raw sa kanya at follow-up eh, para maging presentor – since naging winner na rin siya dati sa Golden Screen Awards as a Breakthrough Performer.
Kaya, his mind was set to present. Kaya rin ang ganda ng reaction nito nang siya ang tinawag para tanggapin ang nasabing parangal para sa papel na ginampanan niya sa Mano Po 6: A Mother’s Love ng Regal Films.
Nang mahismasmasan na si Dennis, nakausap namin ito saglit backstage at tuwang-tuwa nga, dahil ito raw ang masasabi niyang magandang birthday gift niya (on May 12).
Kung tutuusin, masasabing umaayon ang magandang kapalaran ngayon sa aktor, na umaariba pa rin ang career eh, masasabing inspirado pa pagdating sa kanyang affairs of the heart. Right, Jennylyn (Mercado)?
NATUTUWA NAMAN ANG pamunuan ng ENPRESS, Inc. dahil kahit na may mga taping ang karamihan sa mga nanalo sa nasabing award-giving body, pinakawalan naman ang mga ito ng sinasalangan nilang mga taping para sa gabing ‘yon.
Talagang humangos si Eugene Domingo, na nagwaging Best Performance by a Leading Actress in a Musical or Comedy para sa papel niya sa Kimmy Dora. Nakasalang si Uge sa taping niya ng Comedy Bar kasi.
Naroroon din para tanggapin ang Best Actress trophy niya (for Drama) si Iza Calzado (para sa papel niya sa Dukot) at gayon din si Maria Isabel Lopez (na tinanggap ang Best Supporting Actress for her role in Kinatay). At sa kabila ng kanyang pag-iikot sa kanyang kampanya, dumating si Roderick Paulate – una, para siyang magbigay ng Lino Brocka Lifetime Achievement sa Star For All Seasons na si Vilma Santos. Na siya namang itinanghal na Best Actor sa Comedy para sa papel niya sa Ded na si Lolo.
In behalf of his Mom, ang fourteen-years old na si Christian Ryan Philippe ang tumanggap ng nasabing pagkilala. Na marami ang pinahanga sa husay niyang magsalita na animo isa na ring pulitiko.
At kahit may taping din ang main host na si Ogie Alcasid for Party Pilipinas, dahil mahal nito ang mga taga-ENPRESS, at dahil nakasagot na siya na he would host the said event, inuna ang nasabing affair at saka humabol sa kanyang taping.
Sa main winners, tanging si Coco Martin lang, na siyang naparangalan sa husay nito sa pagganap sa Kinatay as Best Actor, ang hindi nakarating dahil hindi makawala sa taping niya ng Kung Tayo’y Magkakalayo.
At ang aabangan sa pagtanggap niya ng Breakthrough Performance ngayon ay ang napapanood sa BFGF sa TV5 na si Zyrus Desamparado para sa papel na ginampanan niya sa Engkwentro.
And the Best Direction went to Brillante Mendoza for Kinatay.
The Pillar
by Pilar Mateo