DALAWANG BESES naming napanood ang hashtag movie na #MadalingArawMahabangGabi ni Direk Dante Nico Garcia. Pinakahuli, sa ginanap na premiere night nito sa Music Museum last Monday.
At sa dalawang pagkakataong iyon, wala pa rin kaming maramdamang nakababagot na sandali habang nanonood o napapikit man lang sa antok ang aming mga mata. Mahusay kasi ang pagkaka-edit sa pelikula na para kang nanonood ng serye na may kaabang-abang na bitin. At mamamangha ka sa cinematography dahil na-capture nito ang natural na ganda ng Palawan.
Maliban pa rito, makapukaw-interes ang istorya ng iba’t ibang karakter na hinabi sa isang lokal na tradisyon sa panahon ng Undas, ang ‘Pangangluluwa’. Nagawa ni Direk Ga na pagtagni-tagniin ang lahat ng ito na nangyari lang sa isang buong magdamag, at matagumpay niya itong naisakatuparan.
Ayon nga kay Direk Ga, nabuo ang konsepto para sa nasabing pelikula sa isang workshop sa Palawan na isinagawa niya para sa out-of-school youth at children in conflict with law, o ‘yung mga tinatawag nating mga delingkwenteng kabataan.
Dahil sa pagka-natural ng a-take sa kani-kaniyang role, wala rin kaming mapili-itapon sa bumubuo ng cast, kabilang sina Angelica Panganiban, Alchris Galura, Glaiza de Castro, Callum David, Kean Cipriano, Edgar Allan Guzman, Buboy Garovillo, Rocco Nacino, Cherie Gil, Dominic Rocco, Karel Marquez, at iba pa.
Todo-bigay nga si Angelica sa pelikula, at ayon nga kay Direk Ga, bangenge raw talaga si Angelica sa kanyang mga eksena. Nang matanong naman kung ano ang masasabi ni John Lloyd Cruz sa ginawa ni Angelica sa movie, mabilis sa kanyang response si Direk Ga na hindi pa raw mag-dyowa sina Angelica at John Lloyd nang sini-shoot ang pelikula.
Masayang panoorin ang ganitong klase ng pelikula na lalabas ka sa sinehan na nakangiti at walang anumang bigat ng kalooban, kahit ‘medyo tragic’ ang ending. Palabas na ang #MadalingArawMahabangGabi sa SM Cinemas simula ngayon, November 7, at sabay ring mapapanood sa buong mundo sa pamamagitan ng pay-per-view ng TFC.
PINALAKPAKAN ANG napakahusay na pagganap ni Dominic Roco sa pilot episode ng Kapag Nasa Katwiran… Ipaglaban Mo na nag-press preview sa Music Museum noong Lunes ng gabi.
Marami ngang napaiyak sa madamdaming eksena ni Dominic nang kinukuha ng kanyang mga biyenan ang ang kanyang anak, matapos na mamamatay sa
panganganak ang kanyang asawa na ginampanan ni Glaiza de Castro. Isang kahig-isang tuka ang karakter ni Dominic, at pilit na kinukuha ng mayamang magulang ng kanyang namatay na asawa ang kustodiya sa bata, dahil hindi nga naman ito mabibigyan ng magandang bukas ng kanyang ama.
Ito ang kasong ipi-prisinta sa pagbabalik ng ‘Ipaglaban Mo’ sa Sabado, Nov. 10, 2:30pm, at ilalahad ang naging hatol ng korte sang-ayon sa ebidensiya at sirkumstansiya.
Sa pagkakataong ito, mapapanood ang nasabing legal-drama sa GMA News TV, na ayon pa kay Atty. Jose Sison, hawak ng kanilang Ipaglaban Mo Foundation ang rights sa programa, kaya’t wala silang nakikitang balakid sa muling pagsasaere nito sa ibang istasyon.
Idiin din ni Atty. Sison na sa simula’t simula pa, kakaiba ang nasabing legal-drama sa mga nagsusulputang katulad na programa, dahil ang kanilang inilalahad ay mga kasong pinal nang nadesisyon ng korte, at hindi niresolba ng opinyon lang ng isa o dalawang abogado.
BLIND ITEM: Sino itong rising female singer na ang lakas daw ng loob na magsuot ng backless evening dresses sa special occasions at showbiz gatherings kahit lantad na lantad ang dark spots at butlig-butlig sa likod na itinatago lang sa pamamagitan ng concealer make-up?
Sa isang awards night nga raw, kung saan nominado at performer si Rising Female Singer, hindi mapigilang magbulungan ang mga staff sa backstage tungkol sa dark spots nito. Pero dedma raw ito at confident na confident na para bang flawless na flawless ang kanyang likuran. That’s the spirit, ‘di ba?
Pero dapat siguro gumamit si Rising Female Singer ng Rosy Peel herbal dietary supplement. Chikka kasi ni Mimi, meron itong essential nutrients ng young green strawberry, guava, kamias at bignay na nagpapaputi ng kutis, nagtatanggal ng dark spots at pumipigil ng premature aging at skin dryness para maging soft, rosy at healthy ang skin. Bongga, ‘di ba? Clue: Ang initial ng namesung ni Rising Female Singer ay nasa first 3 letters ng alphabet. Piece of advice, to you my dear, mag-Rosy Peel ka na. Garantisadong kaputiang namumula-mula, hindi namumutla! Go na sa Mercury at Southstar. ‘Yun na!
Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores