DAHIL isang tulay lang ang pagitan ng aming bahay sa Malabon City, nasubaybayan namin ang paglaki at pagdalaga ni Angelika dela Cruz at ang kapatid nitong si Edward na binawian ng buhay sa murang edad na 28 kamakailan lang sanhi ng vehicular accident sa NLEX.
Ang cute-cute pa noon ni Edward, lagi naming kinukurot ang matambok nitong mga pisngi. Punum-puno ng pagka-inosente. At that time, wala pa ang launching film ni Angelika sa Regal Entertainment, lagi na kaming dumadalaw sa bahay nila sa Bgy. Longos, samantalang kami ay sa Bgy. San Agustin.
Kumbaga, through the years ay nasa likod lang kami sa career ni Angelika at nagmamasid. From GMA, lumipat ng ABS-CBN. Nabigyan din naman ng mga shows. Hanggang sa nagbalik-Kapuso. Nakapag-asawa’t may anak na ngayon. Hanggang sa naging alaga na ni Perry Lansigan.
Si Edward naman, sinubok rin ang showbiz at nagkaroon ng boyband na sumikat rin naman, ang The Freshmen, nagka-album, shows, etc.
Kung kaya’t ang balitang kamatayan ni Edward ay hindi kami agad makapaniwala. Sadyang batang-bata pa ito’t nanalo pang 3rd highest bilang konsehal ng munti naming bayan ng Malabon.
SA PAKIKIRAMAY NG inyong lingkod sa second night ng burol ni Edward sa Floresco sa Dagat-Dagatan, pagdating pa lang namin ay yumakap at umiyak na sa amin si Daddy Ernie, na ramdam na ramdam namin ang pagdadalamhati ng isang amang nawalan ng mahal na anak.
Nakita namin ang mabuting pagpapalaki ni Daddy Ernie sa magkapatid na Angelika at Edward noong late 90’s pa, wala pa noon ang bunsong kapatid nilang si Mika.
A night before that ay nakiramay na ang mga “kapatid” ni Sunshine (nickname ni Angelika) sa PPL Entertainment na sina Jolina Magdangal, Gabby Eigenmann, Arthur Solinap at Carlos Gonzales. That night namang ‘andu’n kami’y nakiramay rin sina Raymart Santiago, Paolo Contis, Gina Alajar, Geoff Eigenmann, Carla Abellana at Carl Guevara.
Parang lutang pa rin ang pakiramdam ni Angelika, halatang pinalalakas lang nito ang kalooban sa pagpanaw ng kapatid. Kinabukasan, the show must go on for her dahil kinailangan na niyang mag-taping for Pilyang Kerubin ng GMA-7, dahil kailangan na talaga, dahil wala na ito sa taping noong first day ng burol.
Sa pag-uwi namin, mismong si Daddy Ernie ang nagsabing may posibildad – at ipaglalaban nila – na si Angelika ang pumalit sa puwestong iniwan ni Edward bilang konsehal ng Malabon.
Puwede naman daw ‘yun, ayon kay Daddy Ernie, dahil immediate family member ang namatay. As for Angelika, let’s see kung tatanggpin nito ang pagsubok na ito sa kanyang buhay.
Sa mga nakausap namin sa burol, nagulat kami sa mga kuwento ng kabaitan ni Edward mula sa mga volunteers nito. Sa pagpanaw ni Edward, sana’y gabayan nitong mabuti ang ate niyang si Angelika sa responsibilidad nito bilang Konsehal sa aming bayan.
Paalam at magpahinga ka na, Edward!
Mellow Thoughts
by Mell Navarro