Ang 10Q ay gaganapin sa newly renovated and improved MET Theater (dating Metropolitan Theater) simula Oct 29, 2021 hanggang February 19, 2022. Si Angeline ang kauna-unang music artist sa kasaysayan na magko-concert sa bagong MET Theater.
“Wala pong makakapigil sa akin na maghandog ng isang engrandeng concert experience at tuloy na tuloy po ang pagpapasalamat ko sa lahat ng sumuporta sa akin simula’t sapul,” excited na pahayag sa PUSH ni Angeline sa ginanap na digital presscon para sa kanyang nalalapit na concert.
Hindi na-imagine ni Angeline na ang dating sikat na theater na nadadaanan lang nila noon ni Mama Bob ang magiging venue pa ng anniversary concert venue niya.
“Si Mama Bob talaga yung nagkukwento sa akin kung ano ba yung Metropolitan Theater dati. So, sa kanya ko nalaman na do’n pala nagpe-perform ang mga sikat na artists. Sabi pa ni Mama Bob ganun daw kasikat yung lugar na yon,”simulang pagbabalik-tanaw ng Star Power grand champion.
Patuloy niyang kuwento, “Kasi nung nadadaanan namin yon ni Mama Bob dati, naabutan ko siya sarado na, eh. Marami na siyang yero na nakaharang sa labas. Sabi ko sa sarili ko, sayang kasi kumbaga, napaglipasan na ng panahon. Tapos kung kailan ako nabigyan ng chance na maging performer din at ito yung trabaho ko, ang maging singer, hindi na ako nakapag-perform doon.
“Kaya sabi ko, kung mabibigyan ng pagkakataon na mabuksan ito ulit pero alam kong imposible. Ganun yung nasa isip ko talaga, eh, imposible na. Sino bang gagawa ng paraan para mabuksan ulit ang MET? Yon ang nasa isip ko dati.
“Eh, one time nakita ko sa Facebook parang may nag-post na nabuksan sa ulit tapos ang ganda-ganda na kasi naayos. Tapos biglang tumayo yung balahibo ko kasi naalala ko si Mama Bob. Sabi ko, kung sakaling buhay ang Mama, alam kong sasabihin ni Mama Bob, ‘Sana makakanta ka dyan.’
“Ang galing-galing kasi lahat ng plano ng Diyos sa akin parang nakatadhana talaga. Hindi ko in-expect na ngayong 10 taon ng selebrasyon ko magaganap sa Metropolitan.”
Aminado si Angeline na kinilabutan siya nang unang tumuntong sa stage ng MET para mag-rehearse at mag-perform.
“Nung nagre-rehearse ako don, alam mo talagang kinilabutan ako. Walang ibang nasa isip ko kundi yung pag dumadaan kami ni Mama Bob sa labas na naka-jeep. Tinitingnan ko lang yon dati tapos ngayon nasa loob na ako at nando’n ako sa stage kumakanta.
“Grabe yung pakiramdam na yon. Sabi ko nga, ‘Mama Bob, para sa ‘yo ito.’ Alam kong tinulungan mo akong mangyari ito,” emosyonal pang kuwento ni Angeline.
Sa 10 concert series ni Angeline ay mga bigating celebrities din ang kanyang magiging panauhin tulad nina Regine Velasquez, Vice Ganda, Erik Santos at kung magiging okey ang schedule ay si Sharon Cuneta, at marami pang iba.
“Nakapag-shoot na kami ng ilang mga episodes kaya sobra akong excited na mapanood ito ng mga tao. Kasi for me, isa ito sa pinakamagandang concert na nagawa ko. Bukod sa naging espesyal, siyempre kasi kahit na nasa gitna tayo ng pandemya, eh, nagawa ko pa rin makapag-celebrate ng 10 taon sa industriya, so malaking bagay para sa akin.
“Kasi talagang pangarap ko ‘to three years ago pa lang. Parang naiisip ko lang, ‘Ano bang gusto kong gawin pag umabot ako ng 10 taon?’ So yon, kaya sobra akong happy,” overwhelmed na kuwento ni Angeline sa PUSH.
Mabibili ang tickets para sa “10Q” via www.ktx.ph. Ang single ticket ay nagkakahalaga ng P499 habang ang 10Q pass naman ay P3,499. Ang concert ay mapapanood sa Oct 29 at 30; Nov 26 at 27; Dec 25 at 26; Jan 28 at 29; at Feb 18 at 19.
Stage director ng 10Q si Dido Camara at si Marvin Querido naman ang musical director.
Mapapanood ang “10Q” online exclusively sa KTX, iWantTFC, and TFC IPTV.