NAKAKALOKAH ‘YUNG ibang fans sa twitter. Para lang umangat ang iniidolo nila eh, kailangan nilang okrayin ‘yung ibang feeling nila’y future “kalaban” ng idol nila.
Tulad na lang ni Angeline Quinto. “Ano ba ‘yan? Pakisabi nga ke Angeline, ‘wag masyadong tatawa, dahil kamukha na niya si Kiray Celis! Hahaha!”
Meron pang isa na ginagaya ni Angeline ang idol nila. ‘Yung isa naman, ba’t daw binigyan pa ng teleserye (Kahit Konting Pagtingin) si Angeline eh, trying hard namang umarte.
Tapos, ‘pag tiningnan mo ang kanilang profile, aba eh, kaya naman pala. Meron silang common denominator. Fans sila ng isa ring singer. Juice ko, sabi nga namin, nasa tugatog na ang kanilang idolo, kaya no need to bash other stars.
To us, si Angeline ang tipo ng aktres na hindi kailangang mag-effort para maging nakakatawa, dahil hindi niya talaga alam na nakakatawa siya, kaya naaaliw kami sa kanya.
Hindi na rin niya kailangang magpa-cute, dahil ‘yun lang candidness niya, enough na ‘yon para ma-entertain niya ang masa.
‘ETO NA nga. Stop muna for a while si Direk Lino Cayetano sa pagdidirek ng mga teleserye (ang huli niya ay Aryana) dahil pagtutuunan niya muna ng pansin ang politics.
He’s running for Congress this coming elections. Sa ipinatawag na presscon para kay Direk Lino, halatang iwas siyang sagutin ang aming tanong kung hiningi ba niya ang tulong ng mga ex-girlfriends niyang sina KC Concepcion at Bianca Gonzales.
Parang ayaw rin niyang i-approach ang mga ito personally at naramdaman naming siya’y nahihiya. At kami na ang magsasabi na hindi makapal ang fez ni Direk Lino para hiritan pa ang exes niya to support him in his bid for Taguig.
Doon namin naramdaman na hindi user-friendly si Direk Lino. At kahit naman nu’ng hindi siya tumatakbo, gano’n na ang attitude niya. Siya na ang umiiwas na sagutin ang isyu sa mga ex-GF bilang respeto na rin sa mga girl.
At higit sa lahat, ayaw rin ni Direk na maaakusahan siyang nagpapakontrobersiyal para umingay lang ang pangalan.
Ba’t congress agad? Ba’t naman hindi?
Isang professor si Direk Lino. Brgy. Captain sa The Fort. Nagdidirek, so ibig sabihin, p’wede din niyang bigyan ng direksiyon ang pamumuhay ng mga taga-Taguig. Ang pamilya ay hindi naman nadungisan ang pangalan sa pulitika kahit pa inaakusahan ng political dynasty.
Ang ama’y magiting na si Compañero Rene Cayetano, mga kapatid na sina Pia Cayetano at Allan Peter Cayetano ay parehong “performing senators”.
Ang kanyang hipag na si Lani Cayetano ay mayor naman ng Taguig, kaya “presurred” si Direk Lino to prove his worth. So why not, ‘di ba?
DAHIL SA very intense na ngayon ang Ina, Kapatid, Anak at bawat eksena ay talagang kaabang-abang, mukhang merong dapat patunayan ngayon ang Kailangan Ko’y Ikaw na pinagbibidahan nina Robin Padilla, Anne Curtis at Kris Aquino.
Mukhang ang dalawang ito ang maglalaban sa pagandahan at pataasan ng ratings, huh! Ang babakantehing time slot ng A Beautiful Affair ang ookupahin ng KKI, kaya abangan ang kapana-panabik na tunggalian.
So ano ‘to? Kim Chiu, Maja Salvador, Xian Lim at Enchong Dee versus Robin, Kris and Anne, gano’n?
At least, silang dalawa ang naglalaban, huh!
NASILIP DIN namin ang Indio ni Sen. Bong Revilla. Hindi pa siya lumalabas, dahil isa pa siyang sanggol na ang bilis lumaki. Very impressive ang production design ng mga sinauna, kaya masarap tingnan.
At dahil diyan, gusto naming batiin ang direktor nitong galing ng ABS-CBN, si Direk Dondon Santos (na siya ring direktor ng Noy noon ni Coco Martin na sobrang bilib kami sa mga shots).
And sinabi sa amin ni Sen. Bong na baka sa next movie niya, kunin na niyang direktor si Dondon dahil sabi nga niya sa amin, “Ang husay ni Dondon. Kitang-kita sa Indio.”
Congrats, Sen. Bong and Direk Dondon!
Oh My G!
by Ogie Diaz