NAMATAAN NAMIN si Angelo Ilagan na kausap ang ibang entertainment writers sa labas ng Zirkoh, Tomas Morato last Saturday, March 16, kaya kinumusta na rin namin ito kung may mga pinagkakaabalahan ba siya ngayon at kung ano na ang estado ng kanyang big showbiz comeback. Big comeback daw, oh!
Aniya, “Ito okay naman po, medyo haggard ang itsura pero okay naman. Buhay ko po, nandu’n ako sa pagsubok pa rin na dinadaanan ko ‘yung hirap ng pagbalik po sa showbiz kasi hindi naman po ganu’n kadali dahil nawala nga po ako dahil nga po sa pagiging unprofessional ko at ang pag-alis ko ay medyo mali.
“So ito, medyo nagi-gain pa ako ng kaunting trust lang na pagkatiwalaan nila ako na bigyan ulit ng project na kahit na isang guesting lang para mapatunayan ko na ibang Angelo Ilagan na ‘yung makikita nila.”
Mahirap ba talaga ang kanyang pinagdadaanan ngayon para muling makabalik sa limelight? “’Yung kontakin po ‘yung mga taong alam kong makakatulong sa akin, ‘di naman po siya ganu’n kahirap, pero ‘yung tiwala po kasi noong tao, napakahirap po talagang ibalik. Tapos sabi nila, kapag nawala ‘yung tiwala nila sa ‘yo, mahirap at matagal ibalik, eh. Ang hirap i-gain ulit ‘yung tiwala na ‘yun.
“Ang hirap noong pagbabalik ko ngayon, mas gusto ko dahil naiisip ko talaga ‘yung hirap, na parang nag-o-audition ka ulit. Kasi dati mabilis lang akong nakapasok dahil nalaman nga nilang pamangkin ako ni Jay Ilagan. Dati ‘yung looks ko, maganda pa. Ngayon medyo na-haggard talaga ako. Nandito na ako ngayon sa time na gusto ko talagang mabalik ‘yung itsura ko dati, kaya ako nagpapa long hair ulit, so inayos ko po talaga.
“Siguro hindi ina-allow ng Diyos na makabalik ako agad kasi gusto niya siguro na maranasan ko ‘yung hirap, bago ka makapasaok sa showbiz katulad ng ibang tao, ng normal na tao na nag-o-audition, nakapila. Buti nga ako dati, hindi ako pumila ng tulad nila na libu-libo sa pila. ‘Di ko naranasan, so thankful pa rin ako kay God na nandiyan ‘yung mga tao na handang tumulong sa akin ngayon.”
Hindi man masasabing nakapag-penetrate back na sa showbiz industry si Angelo, masaya siyang natapos na rin ang indie film na ginawa niya. “Actually may ginawa ako sa Solar, directed by Jay Altarejos and Brillante Mendoza, ang Unfriend, and nasa YouTube na po ‘yung teaser nito, medyo sexy na po, nagpakita na po ako ng behind dito. It’s a gay film, parang sexy, parang John Lloyd Cruz and Luis Manzano (In My Life) pero mas wild lang ng kaunti ‘yung sa amin dahil indie, eh.”
“Kapartner ko po du’n, ‘yung introducing na si Sandino Martin (theater actor), kasama rin po si Miss Boots Anson Roa, then ako po ‘yung support na parang boyfriend, boyfriend… actually hindi naman boyfriend kundi lover, lover ko dito si Sandino Martin then ako po ‘yung parang malokong kabataan na parang walang magawa sa sex life, hindi lang ako nag-i-stick sa isa. May kissing scenes po, mga dalawang beses lang.”
Wala pa raw playdate pero ngayong summer na raw ‘ata ito ipalalabas sa mga sinehan. Lahad pa niya, “Summer na raw ‘ata ito papalabas kasi mauna po siya muna sa Berlin, ‘yan po ‘yung balita ko from Direk Dante.”
What if tuloy tuloy na ang mga ganitong offer sa kanya – ang pagpapakita ng katawan, behind at siguro ay frontal nudity, tatanggapin ba niya? “Depende rin po sa istorya at sa role ko pero kung hindi naman ganu’ng sobrang ka-wild o ganu’n ka-revealing ‘yung gagawin namin, basta po kung ano’ng kaya kung ibigay sa movie, gagawin ko.
“Kaya ko naman, huwag lang po ‘yung sobra, kasi may mga limitation pa rin naman po ako na dapat kong sundin sa sarili ko, dahil nandiyan po si Mama na medyo nagagalit sa akin ‘pag makakita ng ganito. Ito namang sa Unfriend po, kinausap ko muna si Mama bago ko tanggapin, sabi ko, ‘Ma may kissing scene daw with kapwa lalaki, sabi ko okay lang ba na tanggapin ko? And pumayag naman siya, at least, ‘di ba trabaho? And kung actor ka kaya mong gawin ‘yun.”
Sa huli, umaasa pa rin ang dating actor sa Mga Anghel na Walang Langit na mapansin ulit siya sa mundong tinalikuran niya. “Sana mapansin po nila ‘yung acting ko, kasi parang ‘yung pagiging natural ko iba na po eh, mas malalim. Alam mo kasi sa dami ng mga pinagdaanan ko sa buhay at ng hirap na pinagdaanan ko, parang lalo akong may mga paghuhugutan sa acting. Pero kahit marami akong hirap na pinagdaanan, pangako po hindi po ako gumawa ng masama kahit isang beses po.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato