TAGLAY ni Vice President Leni Robredo ang malinaw at kongkretong plataporma para palakasin pa ang Philippine National Police (PNP) kapag nanalong pangulo sa halalan sa Mayo 9
Ito ang siniguro ng aktor na si Edu Manzano sa isang video message kung saan iginiit niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matapang na lider na magpapatibay sa sistema ng hustisya sa bansa at mangunguna sa laban ng gobyerno kontra kriminalidad at ilegal na droga.
“Kaya kailangan natin ng matapang na Presidente. Iyong malakas ang loob. Iyong kayang patibayin ang sistema ng hustisya at mas kayang palakasin pa ang mga pulis natin,” ani ni Edu.
Aniya, ipagpapatuloy ni VP Leni ang giyera kontra ilegal na droga ngunit sa makatao at wastong pamamaraan.
“Iyong itutuloy ang laban sa illegal drugs. Pero sa tama at makataong paraan. Walang inosenteng madadamay,” sabi pa ni Edu.
“Iyan ang mga siguradong plano ni VP Leni. Para sa mas malakas na Philippine National Police,” dugtong pa niya.
Ipinunto ni Edu na suporta ng mga dati at retiradong opisyal ng PNP ang kandidatura ni Robredo dahil naniiwala sila na karapat-dapat siyang maging susunod na pangulo ng bansa.
“Kaya naman maraming dating opisyal ng PNP ang suportado si VP Leni. Mga magigiting na pulis na naniniwalang si VP Leni ang karapat-dapat na lider ng bansa natin,” giit pa ng aktor.
“Kakampi niya ang kapulisan at bawat Pilipino. Kay VP Leni, magkakampi tayong lahat dahil totoo ang hustisya para sa lahat ng Pilipino,” pagtatapos niya.