PUMANAW na sa edad 95 ang beteranang aktres na si Anita Linda. Heart attack ang sinasabing dahilan ng pagpanaw ng aktres nitong Miyerkules, June 10, ganap na 6:15 ng umaga.
Ikinalungkot ng mga showbiz celebrities ang pagkamatay ni Ms. Anita at nag-post sila ng pakikiramay sa pamilya nito at kung paano nila hinangaan ang pagiging professional ng aktres noong nabubuhay pa ito.
Ayon kay Direk Adolf Alix, “This is a very sad day for me. I am trembling as I am gathering my thoughts… The great Anita Linda has passed away this morning at 6:15 a.m. Prayers for her soul.”
Si Direk Adolf ay nakatrabaho ni Ms. Anita sa 2008 film na “Adela” at sa 2010 movie na “Presa.”
Nakatrabaho din noon nina Rosanna Roces and Cherry Pie Picache si Ms. Anita at bilang pagpupugay sa yumaong aktres ay nag-post sila sa kani-kanilang mga social media accounts ng mga larawan kasama ang beteranang aktres.
Samantala, taong 2019 nang parangalan si Ms. Anita ng Film Development Council of the Philippines for her contribution to Philippine cinema at the Dunong ng Isang Ina event, as part of the Sandaan: 100 Years of Philippine Cinema celebration.
Si Ms. Anita ang itinuturing na pinakamatandang working actress ng pelikulang Pilipino. Nagsimula siya sa paggawa ng mga romantic movies noong kanyang kabataan at umani ng iba’t ibang parangal bilang aktres huling yugto ng kanyang karera.
Ilan sa mga hindi malilimutang pelikula na ginawa noon ni Ms. Anita ay ang “Sisa” and “Ang Sawa sa Lumang Simboro” ni Gerardo de Leon, “Tinimbang Ka Ngunit Kulang”, “Isa Dalawa Tatlo”, at “Jaguar” ni Lino Brocka, ‘Ang Babae sa Bubungang Lata” ni Mario O’ Hara at “Lola” ni Brillante Mendoza.
Nakikiramay po kami sa mga naulila ni Ms. Anita Linda.