Annabelle Rama, ‘di dapat sineseryoso!

KUNG MERON sigurong facebook account si Tita Annabelle Rama, malamang, sunud-sunod din ang litanya niya bilang ganti sa mga pasaring at pambabanat sa kanya nina Tita Swarding at Chito Alcid.

Pareho naming fb friends ang dalawa, kaya updated kami sa mga sinasabi nila kay Tita Annabelle. Hindi na para isa-isahin pa rito, basta puro negative ang mababasa kung merong magpapaabot nito kay Tita Annabelle.

Pero kung kilala namin si Tita A, hindi naman ito basta-basta patitinag sa mga kalabang reporters. Wala rin namang labang inurungan ‘yang si Tita A.

Pero ang nakakatawang senaryo minsan kay Tita Annabelle, ‘pag humupa na ang galit niyan at ‘pag tinapos ng panahon ang kanilang sigalot, sigurado, ‘pag nakita niya si Tita Swarding o Chito Alcid, bigla na niyang babatiin.

Tapos, babalikan niya ito ng, “’Di ba kaaway kita? Ba’t kita binati?”

Hahaha! ‘Yan naman ang nakakatuwa kay Tita Annabelle. ‘Pag naglambing naman ang lola n’yo, parang nakakahiyang tanggihan.

NU’NG ARAW, galit na galit sa amin si Tita A. Kesyo kung anu-ano pa ang itinatawag sa amin para lang i-discredit kami at mawalan ng kredibilidad sa mga tao.

Hindi namin siya pinatulan at hinayaan na lang namin ang galit niya. No, hindi naman sa takot kami, pero lagi naming iniisip na kahit pa sabihin nilang kung makipag-away si Tita A ay parang walang pinagkatandaan, sa amin naman, masyado kaming partikular sa agwat ng edad.

Kaya that time, pinairal namin ang “kalma” lang, dahil alam naman naming ganyan lang ang lola n’yo.

‘Eto na. Isang araw, sa isang presscon ni Mother Lily Monteverde para sa isang pelikula kung saan kasama ang isa sa mga alaga niya, dumaan siya sa table namin. Binati kami ng, “Hi, Ogie, kumusta ka na?”

“Okey lang, Tita A!” saka kami nilampasan ni Tita A. At wala pang 5 seconds, bumalik ang lola n’yo sa kinauupuan namin, “Teka, ba’t pala kita binati? ‘Di ba, magkaaway tayo?”

“Ewan ko sa ‘yo, Tita Annabelle. Eh, ikaw naman ang naunang bumati, eh. Binati lang din kita. Pero wala nang bawian, ha?”

“Hahahahaha! O, sige na nga. Ano ba ‘yan? Nakakalimutan ko na kung sino’ng kaaway ko. O, basta, Ogie, ha? Mahalin mo na lang ang mga anak ko, ha?”

Ayun. Gano’n lang si Tita Annabelle. In short, hindi namin sineseryoso ang galit niya. Dahil mula pa noon hanggang ngayon, ‘yun na siya.

ABA, ANG daming excited ngayon pa lang sa once in a blue moon na paggawa ng pelikula ni Ate Vi, ha? Super abang na ang sambayanang pipol ngayon sa The Healing (na showing sa July 25 – birthday ni Tito Dolphy) na pihadong nakakatakot nga ito, dahil very metikulosong direktor itong si Direk Chito Roño.

At ang nakakatuwa, parang “medalya” sa mga artista ang makatrabaho si Ate Vi. Nariyang super duper praise to death si Pokwang, ganu’n din si Janice de Belen, si Kim Chiu at si Martin del Rosario.

Nakasama na rin namin noon sa Nag-iisang Bituin si Ate Vi at masasabi naming mula noon hanggang ngayon ay hindi binabago ng kasikatan ang ugali.

In fairness, super bait pa rin ni Ate Vi.

‘Yung isang “star” nga, nakatrabaho na rin namin, pero first and last na namin, kasi, ang hirap katrabaho, dahil hay, nako… nagbago na pala kami, hindi na kami masyadong intrigera, hahaha!

Anyway, si Ate Vi ay laging may nakahandang ngiti sa mga tao at mahal na mahal ng staff and crew. Kaya love na love namin si Ate Vi, wala nang kokontra.

Oh My G!
by Ogie Diaz

Previous articleLorna Tolentino, nawala ang iniindang sakit matapos magpa-stem cell
Next articleHirap lagpasan ang pagdadalamhati
Zsa Zsa Padilla, ngayon pa lang nagsisimula ang laban

No posts to display