Okay na sana sina Tita Anabelle Rama at Jo-Ann Maglipon ng Yes magazine nu’ng nagkabigayan ng payong at pamaypay ng Zorro nu’ng nakaraang Sabado sa cremation ni Tito Douglas Quijano.
Pero bumalik na naman ang iritahan at patutsadahan ng dalawa nang lumabas itong Most Beautiful Faces issue ng nasabing magazine, kung saan nakuwestiyon kung bakit wala man lang si Ruffa Gutierrez sa kategoryang ‘Mama Mia’ o beautiful at any age. Ganu’ndin si Richard Gutierrez na wala rin sa listahan ng mga primetime leading men.
Hindi mo mapatatahimik diyan si Bisaya kaya nagkalat ito ng text message na wala raw silang pakialam sa ginawang ‘yun ng magazine na isang local magazine lang naman daw at walang credibility.
Dagdag pa ni Tita Anabelle, ang mahalaga raw ay nananatiling number one pa rin daw ang Zorro at nangunguna pa ring aktor si Richard sa telebisyon at pelikula. Si Ruffa naman daw, nandiyan pa rin ang korona niya bilang Ms. World 2nd Princess na tinalo ang mga kandidata mula sa mahigit 80 bansa.
Kaya kaagad na kinunan din namin ng reaksiyon si Tita Jo-Ann, na malumanay naman ang sagot na agree naman daw siya sa pagiging Ms. World 2nd princess ni Ruffa at mabuti naman daw at nanatiling number one pa rin ang Zorro ni Richard. Pero roon sa isyu ng magazine, sey ni Tita Jo-Ann, “Yes it’s a local magazine, but it’s credible!”
Ipinaliwanag naman nitong hindi lang siyang mag-isa ang pumili, kundi marami sila at matagal na pinagtalunan at dumaan pa sa survey ang pagpili ng mga Most Beautiful Faces nila sa iba’t ibang kategorya. Hindi na nga raw nasama sina Gretchen Baretto at Kris Aquino na napasama na nga nu’ng nakaraang taon. Huwag na lang daw sanang intrigahin dahil hindi naman daw sila namemersonal sa pagpili nito.
Kaagad na sumagot na naman si Bisaya na pawang kasinungalingan na naman daw ‘yun at huwag na raw sanang utuin ang mga tao para paniwalaang walang personalan sa pagpili nila sa Most Beautiful.
Ang nakakaloka, nadamay na naman sina Ma’am Wilma Galvante na kaaway rin ni Tita Anabelle. In fairness naman kay Ma’am Wilma, wala siyang kamalay-malay riyan at nananahimik ito. Bakit pati siya ngayon ay idinadamay sa pagtataray ni Bisaya na ikinakalat thru text?
Sayang ang initial na pagbabati nina Tita Anabelle at Tita Jo-ann na nasimulan na sana sa pagbibigay ng payong. Ngayon, sumiklab na naman ang init at mukhang malabo nang magkaayos.
Sabi naman ni Tita Jo-Ann, ang pagbigay ng Zorro payong na ‘yun ay magandang gesture mula kay Tita Anabelle, pero ang pagkakaalam niya walang pagbabati at pag-aayos dahil nandiyan pa rin ang kasong isinampa sa kanila mula kay Richard. Hintayin na lang daw natin ang resolution mula sa DOJ kung aakyat ang kasong ito.
LALONG BUMOBONGGA NGAYON sa rating ang Power of 10 ni Janno Gibbs, dahil inaabangan pa rin kung masusungkit na ba ang P10M jackpot.
Ang bagong concept nila ngayon, inilalaban ang mga celebrity contestant sa ordinaryong contestant, kaya roon nagkaalaman kung sino ang mas magaling pumulso sa gusto ng sambayanan.
Pero bago ‘yun, magtatapat muna ang isang funeral director na si Lojeto Bulante at isang babaeng madalas umekstra sa mga teleserye na si Mamimlou Sinchioco, at sasagutin nila ang mga nakakalokang survey.
Pagkatapos ng dalawa, magtatapat na ang Queen of Soul Jaya at ang adventurous mom na si Grace Pabriga. Dito magkakaalaman kung sino ang mas magaling pumulso sa survey sa dalawang mom na ito.
Abangan na lang ito sa Power of 10, pagkatapos ng Kap’s Amazing Stories.