Si Anne Ojales Curtis-Smith, o mas kilala bilang Anne Curtis ay isa sa mga prinsesa ng Philippine primetime television. Nagsimula ang karera ni Anne nang magbakasyon ang kanilang pamilya rito sa Pilipinas at aksidenteng nadiskubre siya ng isang talent scout habang kumakain sa isang fastfood restaurant. Unang sumibol ang karera niya bilang aktres at host sa GMA-7 kung saan lumabas siya sa ilang palabas doon tulad ng youth-oriented show na TGIS, drama series na Anna Karenina at Ikaw Na Sana, comedy shows na Beh Bote Nga, Idol Ko si Kap, Love to Love at Nuts Entertainment. Ngunit nag-ibang bakod si Anne at naging Kapamilya noong 2004, kung saan una siyang naisalang sa teleseryeng Hiram, kasama sina Heart Evangelista, Dina Bonnevie at Kris Aquino.
Masasabi ba niyang naging malaking break para sa kanya ang Hiram?
“Yes, definitely. Even ‘Stephanie Borromeo’ (ang karakter ni Anne) sa Hiram, doon na-notice ng ABS-CBN na kaya kong umarte. And from then on, tuluy-tuloy na ‘yung mga ibinigay nilang projects na lead role. ‘Stephanie Borromeo’ actually is the turning point because that’s when I transferred from GMA to ABS. And to think, kontrabida pa ako nu’n. ha?” Pahayag ng aktres.
Pagkatapos ng Hiram, sunud-sunod na ang mga naging proyekto ni Anne sa ABS-CBN. Nahasa siya sa hosting sa ASAP, Wanna Buzz, Pinoy Big Brother Buzz at Star Circle Summer Kid Quest. Hindi rin nawala ang mga youth-oriented shows at fantaserye. Nagbida si Anne sa Kampanerang Kuba, kung saan nakasama niya sina Christian Bautista at Luis Manzano. Lumabas din siya sa ilang episodes at kuwento ng Komiks Presents: Mamayang Hatinggabi, Love Spell: Wanted Mr. Perfect, at Love Spell: The Face Shop. Pero mas napansin siya nang husto nang magbalik-drama siya sa Maging Sino Ka Man, kung saan ginampanan niya ang karakter ni Celine katambal ang kanyang ex-boyfriend na si Sam Milby.
“I think sa Maging Sino Ka Man, people knew it na I’m no longer na young, tisay, baluktot magsalita na girl, and hindi kayang… hindi marunong umarte. I think Maging Sino Ka Man changed me a lot.” Sabi ni Anne.
Matapos ang matagumpay niyang pagganap sa Books 1 and 2 ng Maging Sino Ka Man, tuluyan na ngang naging Dyosa ng primetime television si Anne nang gampanan niya ang title role ng teleseryeng Dyosa. Balik-tambalan sila ni Sam Milby, Luis Manzano at nadagdag na ang baguhang aktor na si Zanjoe Marudo. At hanggang sa The Wedding na malapit na ring magwakas, partner pa rin niya si Zanjoe at sinamahan pa ni Derek Ramsay. Ganito na kaya kakomportable si Anne sa kanyang mga leading men?
Ang kanyang tugon, “Very comfortable ako sa mga leading man ko. I guess it helps kasi may mga leading man ako, aside from being the leading man, they are also my friend outside showbizness.”
Pero may mga gusto pang makatrabaho si Anne na ibang aktor sa industriya ngayon. “Ang hindi ko pa nakakatrabaho as a leading man is John Lloyd Cruz, and Piolo Pascual. ‘Yun na lang ata, e. That’s one thing about Philippine showbizness, we’re very limited with leading men. So ‘yung dalawa ang hindi ko pa nakaka-work. Si Chard (Richard Gutierrez), malapit na rin kaming mag-work together, as my leading man.” Ani Anne.
Sa dinami-rami ng mga nagawang soap at nagampanang karakter ni Anne sa GMA at ABS-CBN, alin kaya sa mga ito ang tumatak nang husto sa kanya bilang artista at bilang isang babae? “Ang hirap talaga e, pero in terms of acting, siguro “Celine Magsaysay” of “Maging Sino Ka Man” and “Stephanie Borromeo” of Hiram were my favorite characters. But the title of “Dyosa” ang hindi ko talaga makakalimutan. And “Candice” (of The Wedding) dahil it’s the closest to me as a person, it’s so easy for me to do this teleserye. Kasi ang light-light niya.” Paliwanag niya.
At hindi rito tumitigil si Anne sa kanyang karera. Ayon na rin sa kanya, nagsisimula pa lang sumibol nang husto ang kanyang karera at marami pa siyang gustong gawin at karakter na gustong gampanan. “Off-beat character naman. I want something like Natalie Portman in Closer. Something like that, something out of my comfort zone.” Pagtatapos nito.
May nakarating sa aming unconfirmed report na dalawang teleserye na ang naka-line up ngayon para kay Anne. Bukod pa rito ang pinaplantsa raw na pelikula nila ni Sam Milby. Ayon kay Anne, excited daw siya sa proyektong iyon with Sam dahil makapagtatrabaho raw sila ulit.
Pero mabalik lang tayo sa unconfirmed report na aming nakuha, lalabas din daw si Anne sa Nurserye, ang teleseryeng niluluto ngayon para kay Judy Ann Santos. Hindi na kami magtataka dahil si Direk Wenn De Ramas ang direktor ng Nurserye at malapit si Direk Wenn kay Anne. Kaya ‘di malayong mapasama siya sa cast. Tsika rin sa amin na gagawin din daw ni Anne ang Pinoy TV remake naman ng Save The Last Dance For Me. Hindi pa kumpirmado ang report na ito, pero aalamin natin ‘yan!
Sa ngayon, i-enjoy muna natin ang The Wedding at ang karakter ni Candice. Sa layo na nang narating ng karera ni Anne, deserving at dapat lang na ibigay ang titulong “Primetime Princess” sa kanya.
by MJ Felipe