INUULAN TALAGA NG suwerte si Anne Curtis. After the success ng kanyang pelikulang No Other Woman na nakaka-P270 million na, humataw naman ang first solo album niyang Anne Bisyosa na naka-gold record. Hindi napigilan ng actress-singer ang sarili na maiyak dahil sa blessing na dumarating sa kanya sa awarding niya sa ASAP Rocks last Sunday.
Hindi ini-expect ni Anne na bebenta ang kanyang CD kaya ganoon na lang ang kanyang pasasalamat. Aminado naman siyang hindi kagandahan ang kanyang boses. Gusto lang niyang kumanta at magkaroon ng sariling album na nagkaroon naman ng katuparan. Nagsimula sa biruan at nauwi sa totohanan. Hindi maipaliwanag ni Anne kung anong magic mayroon sa album. “Siguro nakaka-relate sila sa akin, nagiging totoo ‘yung pangarap nilang maging singer. Sa totoo lang, katuwaan lang talaga siya, fun lang talaga,” masaya nitong sabi.
Katunayan nga, nagpa-plano na raw si Boss Vic del Rosario na bigyan ng solo concert si Anne sa Music Museum next year. Siyempre, makakasama ng Dyosa si Vice-Ganda at mga sikat na singers ng Viva Records. Tototohanin na nga yata ni Anne ang pagiging singer. Winner naman siya sa madlang pipol kaya wala kaming duda papatok ang first major concert ni Anne.
Ang nakatutuwa pa, masayang ibinalita ni German Moreno na mapapabilang na si Anne sa Walk of Fame, Eastwood Mall on December 4. Mapapabilang na ang actress sa mga sikat nating artista na may Walk of Fame star. Napaka-special ng event na ito para kay Anne na sasaksihan ng kanyang pamilya at mga kaibigan sa loob at labas ng showbiz.
LALONG NAGING MASAYA ang programang Wil Time, Big Time nang pumasok na si Mariel Rodriguez. Nagkaroon ng buhay ang pagho-host ni Shalani Soledad sa tulong niya na labis na ikinatuwa ni Willie Revillame. Kahit ilang linggo na ang TV host sa nasabing game show, halata mong nakaalalay pa rin siya sa konsehala ng Valenzuela. Nakikiramdam na baka masapawan niya ang dalaga.
“Knowing Mariel, palaging nasa high energy kapag nag-umpisa na ang show,” ayon sa production staff ni Jay Montelibano. “Madaling nakapag-adjust si Mariel. Mabilis ang pick-up at alam agad niya ang gagawin. Ang sarap niyang katrabaho kaya madali kaming nakapag-adjust sa kanya. Kaya naman pala paborito siya ni Kuya Wil dahil bukod sa magaling na TV host, champion pang makisama. Wala kang maririnig na reklamo mula sa kanya.”
Kahit iniintriga pa rin si Mariel sa pagkakalipat niya sa TV5, deadma na lang ang asawa ni Robin Padilla. “Maraming mas mahahalagang bagay na dapat nating bigyang-pansin. Hayaan na lang natin sila kung du’n sila maligaya. Ang importante, masaya tayo sa buhay natin at ini-enjoy natin kung anuman ‘yung blessing na dumarating sa atin. Huwag na nating pansinin ang mga negative na ikapapangit lang natin,” pakiusap niya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield