SA NAKARAANG presscon ng Girl, Boy, Bakla, Tomboy ng Star Cinema, dinepensahan ni Direk Wenn Deramas si Anne Curtis tungkol sa kontrobersiyang kinasangkutan kamakailan ng aktres. Kahit nanatiling tahimik ang lahat ng naugnay sa nasabing insidente, nagsalita na si Phoemela Barranda at ipinagkaila na pinagsalitaan siya ng masasakit ni Anne, na nagkapatawaran na ang lahat.
Para kay Direk Wenn, buo ang suporta at tiwala na ibinibigay niya para kay Anne. Alam niya na mali ang ginawa nitong pananampal, pero naniniwala siya na hindi magre-react nang ganoon ang aktres kung walang malalim na dahilan.
Para kay Direk Wenn ang nasabing pelikula ni Vice Ganda ang pinakamahirap nang pelikula na nagawa niya, dahil pakiramdam niya ay hindi ito matapus-tapos nu’ng ginagawa nila dahil sa dami ng dapat kunan, kung saan gumamit sila ng apat na alexa. Nagsimula sila nu’ng Hulyo at natapos ngayon lang Disyembre. Wala pang pack-up days silang nagawa, pero kumain ang nasabing pelikula ng halos limang buwan.
Alam na mabibigat ang mga kalabang pelikula ngayong 2013 MMFF, kung saan alam niyang mahigpit na makakalaban nila ang My Little Bossings, Kimmy Dora at Pagpag, ang hiling ni Direk Wenn, sana ay kumita ang lahat ng pelikula para higit na maging masigla ang pelikulang Pilipino.
Mas payat at mas malusog kaysa dati nu’ng isugod siya sa ospital dahil sa sakit na pneumonia, ngayon ay mas maingat na si Direk Wennn sa kanyang kalusugan, kung saan alaga na niya ang kanyang blood pressure, blood sugar at anumang bagay na may kinalaman sa kanyang kalusugan.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA