Anne Curtis, nagpapahabol sa ABS-CBN?!

NAGPAPARAMDAM NA NG kanyang hinanakit sa mga dating kasamahan niya sa showbiz ang napakagaling na character actor na si Tito Pacquito Diaz, hindi na natin siya nakikita at napapanood ngayon sa mga pelikula, dahil na-stroke siya, ilang taon na ang nakalilipas. Wala rin naman siya sa Manila, dahil pinili na ng kanilang pamilya na sa Bicol na lang manirahan. Two years ago, nakita ang hitsura ng daddy ni Joko Diaz, na dahil sa epekto ng kanyang karamdaman ay ibang-iba na ang kanyang hitsura. Unang mapapansin ang kapayatan at sobrang tumanda ang hitsura, kumpara sa kaguwapuhan niya nu’ng kanyang kalakasan.

Malayo ang kinaroroonan ni Tito Pacquito sa ngayon, kaya marahil isa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi siya madalaw man lang ng mga dati niyang nakasama sa showbiz. Muli na naman siyang ipinakita sa TV kamakailan, at lalong nag-iba na ang kanyang hitsura. Parang malakas naman siya, pero napakapayat na niya. Hindi tulong na manggagaling sa mga dati niyang kasamahan sa industriya ang namumutawi sa kanyang bibig, kundi parang nalilimutan na raw siya ng mga taga-showbiz. Paulit-ulit niya ring inuusal, na gusto pa niyang makapagtrabaho ulit.

Ang maganda lang sa situwasyon ni Tito Pacquito, hindi siya iniiwan ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang wife, ganu’n din ng kanilang mga anak gaya nina Cheska at Joko. Nakalulungkot lang na kung kailan gustong makatulong ni Joko, ito rin ang panahon na wala siyang career. Dahil kahit nagbibida na siya bilang action star, hindi uso ngayon ang paggawa ng action movies. Marami nga ang nagulat, na nu’ng nabubuhay pa si dating Governor Armand Sanchez, laging nakikita si Joko sa Kapitolyo ng Batangas, dahil diumano’y naging alalay siya ng yumaong pulitiko.

MASAKIT MAN KUNG iisipin, hindi nagpaapekto si Anne Curtis sa mga bintang sa kanya nitong matapos na ang kontrata niya sa ABS-CBN, na diumano’y nagpapahabol siya sa pamamagitan ng pagpaparamdam na lilipat na siya ng ibang network, dahil gusto lang pala niyang magpataas ng talent fee. Happy naman daw siya sa pagtrato sa kanya ng Kapamilya network, kaya hindi raw totoo na babalik na ulit siya sa GMA-7. Taas-noo ring kinontra ng tisay na young actress ang tsikang mukha siyang pera.

Sa totoo lang, mababaw lang daw ang kaligayahan ni Anne bilang artista. Mainipin siya kapag wala siyang trabaho, kaya sinisipagan daw niya kapag dumarating ang pagkakataon na marami siyang projects katulad ngayon na mayroon siyang pelikula sa Viva Films, at may Green Rose naman siya sa ABS-CBN na malapit nang ipalabas. Mahalaga sa kanya ang pera, pero hindi siya nag-artista lang para kumita. Sobrang masaya lang daw siya na maganda ang nangyayari sa kanyang career.

Hindi rin madamot si Anne kapag umaapaw ang biyaya na kanyang natatangap. In fairness sa kanya, marunong siyang mag-share sa kanyang kapwa. Natatandaan nga namin, two years ako, December noon ay nagkaroling ang mga miyembro ng PMPC (Philippine Movie Press Club) kay Anne. Para siyang bata na tuwang-tuwa nang kantahan namin siya. Huwag nang itanong kung magkano ang naging aginaldo niya sa aming lahat, dahil magtatatalon ka talaga sa sobrang tuwa! Nang papaalis na kami, nagpasabi siya na after 3 days daw ay may taping siya, at nag-request siya na magkaroling daw ulit kami sa kanya. Na siyempre, hindi namin ginawa, dahil sapat na ‘yung isang beses. Sa panahon ng Kapaskuhan, sa showbiz ay parang nagtatago ang maraming artista para makaiwas mamigay ng aginaldo. Pero kakaiba nga sa kanila si Anne, kaya marami ang makapagpapatunay na hindi siya mukhang pera, ‘noh!

BINABATI NATIN ANG programang Juicy ng TV5 sa kanilang ikalawang anibersaryo sa ere. Malapit din sa puso ko ang Kapatid network, lalo na ang nabanggit na programa, dahil nu’ng si Alex Gonzaga pa lang ang nag-iisang host d’yan, parang naging suki na rin ako na madalas maging guest reporter nila. Kapag naroon ka sa studio nila, para ka talagang napaliligiran ng mga taong kapatid kung magmahal, dahil simple lang sila at maasikaso talaga.

Nagtatagal na nga sa ere ang Juicy na sa ngayon ay lalo pang pinakatas, pinaanghang at pinasaya. Sana lang, lalo pang umunlad ang TV5 para naman mas makinabang ang televiewers, na hindi lang ABS-CBN at GMA-7 na nakakaumay na ang pagbabangayan at tapatan ang pupuwedeng tutukan. Sa ngayon, nakaaaliw na ring tutukan ang iba nilang programa, kaya wish lang natin ay maipagpatuloy pa ni Mr. Manny V. Pangilinan ang pagpapabongga sa Kapatid network.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleLee Min Ho, naiinggit kay Kim Bum sa pagpunta sa ‘Pinas!
Next articleAno’ng laban ni Vicki Belo?: Paloma, pinagnanasahan ni Hayden Kho?!

No posts to display