SINO BA NAMANG anak ni Adan ang hindi mapapalingon sa kagandahan ni Anne Curtis? Kakaiba ang charm, kaya naman s’wak na s’wak ang aktres sa mundo ng showbiz. Pero alam n’yo bang ayaw ng tatay ni Anne, na isang Australian lawyer, na pasukin ng anak ang showbiz? Maski nga nu’ng nagsisimula pa lang ang aktres sa commercials, tutol na ang ama ni Anne.
Ipinanganak ang mestisang aktres sa Australia noong February 17, 1985, pero nanirahan na sila rito sa Pilipinas nu’ng 13 years old na si Anne dahil Pinay naman ang nanay niya. Sa GMA TV network unang napanood si Anne, pero sadly, hindi siya nabigyan ng magandang exposure dito. Supporting roles lang ang madalas na naibibigay sa kanya. Nakasama si Anne sa mga GMA-7 shows na TGIS, Anna Karenina, Ikaw Na Sana, Mornings at GMA, May Bukas Pa, Beh Bote Nga, Idol Ko si Kap, Ang Iibigin ay Ikaw, Ang Iibigin ay Ikaw Pa Rin, SOP Rules, Love to Love: My 1, 2 Love at Nuts Entertainment.
Nang lumipat siya sa ABS-CBN, agad siyang nabigyan ng lead role sa soap opera na Hiram (2004). Dito na napansin ang potensiyal ni Anne na maging leading lady. Nasundan pa ‘yon ng Kampanerang Kuba (2005). At sino ba naman ang makalilimot kay ‘Celine’ sa teleseryeng Maging Sino Ka Man (2006), at Maging Sino Ka Man: Book Two (2007)? Dito niya nakapareha si Sam Milby na off-screen ay naging boyfriend din ni Anne. Pero hindi nagtagal ang relasyon ng dalawa. Isang lumuluhang Anne Curtis pa ang napanood ng sambayanan sa The Buzz nang mag-break sila ni Sam. Na-link din si Anne kina Oyo Boy Sotto, Richard Gutierrez, at Luis Manzano.
Nagpatuloy ang lead roles kay Anne sa TV series na Dyosa (2008), at ang umeere ngayong The Wedding.
Unang ipinakilala ang aktres sa pelikulang Magic Kingdom (1997). Nasundan ‘yon ng Honey, My Love So Sweet (1998), Ika-13 Kapitulo (2000), Mahal Kita: Final Answer! (2002), Lastikman (2003), Filipinas (2003), All About Love (2006), ‘Wag Kang Lilingon (2006), Ang Cute ng Ina Mo (2007) at When Love Begins (2008).
Sa pelikulang Baler na entry sa 2008 Metro Manila Film Festival itinanghal na Best Actress si Anne. Katambal niya rito si Jericho Rosales.
Hindi naman kataka-taka kung bakit nasa no. 8 ranking si Anne sa 2009 FHM Magazine Philippine’s Sexiest Women in the World.
Kung hindi naman busy sa kanyang showbiz commitments ang aktres, nasa outreach programs naman ito. Sa mga organizer ng mga nag-oopera sa mga batang may cleft-palate, malaking bagay na raw sa kanilang mga pasyente ang pagbisita ni Anne sa mga ito.
Alam n’yo bang naispatan lang si Anne habang kumakain sa isang fastfood restaurant ng kanyang manager noong 1997? Pero marahil, talagang kapalaran na na nito ang makilala sa showbiz world. And the rest, they say, is history.
by Eric Borromeo