Annie Batungbakal

TILA DEKADA ‘90 nang pinasikat ang awiting ito ng Hotdogs at Parokya ni Edgar. Magulo, mai-ngay at maharot na dekada ng swing, mass potato at rock-and-roll. Masarap ding umindak sa harurot ng boogie at cha-cha. Ngunit ang pinaka-topnotch na Pilipino ditty was “Annie Batungbakal”.

Nakatihan kong isulat ang awitin dahil sa isang tunay na Annie Batungbacal na aking nakilala kamakailan.

Si Annie, 14, ay isa sa mga menor de edad na nailigtas ng mga awtoridad sa isang sex den sa Bocaue, Bulacan kamakailan. Tubong Leyte si Annie, nag-stow-away sa Manila at nagtindera sa isang tindahan ng karne sa Divisoria. Dito siya niyakag ng ‘sang kasama na maglingkod bilang waitress at dancer sa pub.

Kalunus-lunos ang naging buhay niya. Na-ging mistulang sex slave. Bukod sa paminsan-minsan lang pakainin, kalimitan sinasaktan pa siya ng mamasan ‘pag ayaw makipag-sex sa customer. Labing anim silang menor de edad sa pub. Iba’y taga-Bicol, Sariaya at Samar. Mayroon pa silang dalawang kasama ang edad ay 12 anyos. Mahigit ‘sang taon sa impyerno ang kanilang naging buhay.

Tinulungan ko sa DSWD na ma-rehabilitate si Annie at ibang kasama niya. Ngunit ‘di pa nagtapos ang kanyang kalbaryo. Natuklasang positive siya sa AIDS. Bagay na dahil sa kanyang pagkawalang-muwang, pinagkibit-balikat lang niya.

Maraming Good Samaritans ang tumulong. Mga ayaw magpakilalang nilalang na may pusong ginto. Pera, damit at alok na trabaho ang natanggap ni Annie at iba pa niyang kasama. Sa kasalukuyan, si Annie ay nasa pangangalaga ng isang bahay ng mga madre sa Tagaytay.

Ano ang kahulugan ng pagkakilala ko sa kanya?

Maraming gabi, minumuni ko ang tanong. Hanggang ngayon wala pa rin kasagutan. Samantala sa radyo biglang pumailanglang ang maharot na awit: Annie Batungbacal… nagdi-disco…

SAMUT-SAMOT

 

BIGLA NA lang nagpamalas ng gilas si Manila Mayor Fred Lim. Very visible siya sa Maynila mula sa pagdalaw sa namatayan at paghuli ng drug pushers. Dati-rati, pakuya-kuyakoy lang siya sa city hall. Anong nakain niya? Tanong ng mga Manileño na nagulat sa asta ngayon ng alkalde. Natural may kinalaman ito sa 2013. Sa mga survey, nangungulelat kasi siya kay dating Pangulong Estrada. Kaya naghahabol. Subalit maniwala pa kaya sa kanya ang mga Manileño? Mismanaged ang lungsod. Kamakailan, pinutulan ng kuryente ang maraming presinto ng pulis. Pati tubig pinutol din sa city hall. Ang Ospital ng Maynila ay naghihingalo sa walang nangangalaga. Huli na. Too late the hero.

NAGPAKITA RIN agad ng gilas ang bagong u-pong DILG Sec. Mar Roxas. Binalaan niya ang mga LGU at kapulisan sa Central Luzon tungkol sa ‘di paghinto ng Jueteng. Naku, lumang tugtugin na ito. Tuwing may bagong DILG Secretary, ganyan ang song-and-dance. Mananakot. May babala. ‘Pag wala na sa media, wala na rin ang babala at galit. Mabuti pa, legalize na lang Jueteng para walang problema.

BILANG ISANG Pinoy traveller, dapat talagang ikahiya ang ating NAIA na kamakailan ay nabansagang “worst airport in the world at sa Asya”. Pwee! Talagang nakadidiri ang NAIA kung ihahalintulad sa airports ng Japan, Singapore, Thailand, Malaysia at lalo na sa ibang airports sa Europe at Amerika. Bukod sa magulo, low-tech ang mga equipment at ang babaho ng mga palikuran. Marami pang laging aaligid-aligid na pulis para mambakal sa foreigners.

‘PAG ‘DI nag-ingat, paulit-ulit ang balik ng sipon, ubo at kati ng lalamunan. Malakas ang bacterial strains na nagdudulot nito. Kaya bukod sa good personal hygiene, kailangang kargado ng vitamin C, umiwas sa mataong lugar, kumain ng masustansya at maraming inom ng tubig. Huwag ding magpaulan at magpahamog. Mahal ang gamot lalo na ang pagpapa-ospital.

ITO’Y NAGING karanasan ko. Nu’ng 2010, naoperahan sa gall bladder. Malas naman na na-allergy ako sa penicillin na pinainom bago ang operasyon. Nag-organ failure ako at isinugod as ICU. Disyembre pa naman. Sa simpleng gall bladder operasyon, sumuka ako nang mahigit kalahating milyon. Ubos ang karamihan na naipon. Ganyan kamahal ang hospitalization. Mag-ingat. Bawal magkasakit.

PAGGISING SA umaga, positibong bagay ang isipin kahit masakit ang likod at tadyang dala ng pagtanda. Sa mga oras na ‘yon, aktibo ang demonyo sa panunukso at pananakot. Kung anu-anong masamang bagay ipaiisip sa iyo at ‘pag nagpadala ka, patay kang bata ka. Gumi-sing nang nagpapasalamat sa Diyos sa grasyang nakakamit araw-araw.

MAY COLONY ng informal settlers o squatters sa paligid ng bahay ni dating Pangulong Erap sa Manggahan, Sta. Mesa, Manila. Mahigit na 300 pamilya sila. Pagdaan mo, sumisingaw

ang amoy ng ihi, dumi, basura at iba pa. Naglaboy ang mga batang hubad; mga babae ay nag-aalisan ng kuto at mga hubad at puro tattoong lalaki ay nag-iinuman kahit umaga pa. Igala mo ang tanaw sa maraming panig ng Maynila, Malate, Pasig, at Quezon City at ganito ang sasapol sa iyo. May pamahalaan pa ba tayo?

DAHIL SA kapabayaan ng dating pamunuan ng Comelec, nababoy ang sistema ng party-list. Kung ano-anong party-lists ang binigyan ng accreditation. At karamihan kumakatawan sa kanila ay ‘di galing sa marginalized sektor. Biro mo, mahigit pala isandaan ang party-lists. Pa-bigat ito sa gastusin ng pamahalaan. Karamihan sa kanila’y walang ginagawa, tanggap lang ng tanggap ng suweldo, allowances at iba pang perks. Bilyon siguro ang naaaksaya sa kanila ng kaban ng bayan. Buti pa, budget nila’y ibigay sa mga guro at iba pang maliliit na empleyo ng pamahalaan.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleRichard Gutierrez, wish na makasama ulit si Angel Locsin
Next articlePabigat na MOA Sticker sa mga Taxi Driver

No posts to display