AS EXPECTED, NAPUNO ng libu-libong tao ang Smart Araneta Coliseum kaugnay ng first anniversary celebration ng Wil Time Big Time nitong nakaraang Sabado. Linggo pa lang daw ng gabi, nagdadatingan na sa nasabing venue ang mga taong pinalad na makakuha ng ticket.
Bandang 10:30 ng umaga nagsimulang magpapasok ng audience sa Araneta. Around 9,000 daw ang naipamigay. Bandang alas-dose, halos nasa loob na lahat. At nakakatuwa na may ipinamigay na lunch pack ang TV5 sa mga nakapasok na.
In fairness, organisado at maayos ang naging takbo ng lahat. Walang nagkagulo. May mga medical team at ambulansiyang naka-stand by. Tapos siniguro rin ng management ng Araneta Center at maging ng Kapatid Network na sapat ang security force. Tinatayang nasa 2,000 ang bilang ng pinagsanib na puwersa ng mga security guard, events marshall, at mga pulis, para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Around 4:20 nagsimula ang show. Opening number pa lang, halos isang oras na. Natapos itong umere bandang 10:15 na ng gabi. Imagine, almost 6 hours ang itinakbo ng Wil Time Bigtime? Pero nakatagal ang lahat na tapusin ito. Hindi lang ‘yong mga taong nasa loob ng Araneta Coliseum kundi maging ng mga nanonood sa kani-kanilang tahanan.
Suwerte ng mga nanalo. Sa isang iglap, nabago ng Wil Time Bigtime ang buhay nila. For sure, mas bongga at bigger prizes pa ang ipamimigay ng show ngayong nasa ikalawang taon na ito. Naman!
IKINAGULAT NI GOVERNOR Vilma Santos ang lumabas na isyu kamakailan na hindi umano niya feel si Jennylyn Mercado para sa anak niyang si Luis Manzano.
“Wala akong sinasabing gano’n,” kaagad niyang paglilinaw nang pasyalan namin siya sa Kapitolyo ng Batangas kamakailan. “Am I the type who will say that? Na… hindi ko type si Jennylyn? Again, uulitin ko… hindi ako nakikialam sa ano ni Lucky. Wala. You can even ask Lucky. Kung meron akong sinabing… anak gusto ko ‘yan, ayoko ‘yan. Hindi ako gano’n.
“Kasi naiinsulto ang anak mo kapag gano’n, e. Hindi ako ang type na magsasalita ng gano’n. Hindi ako umaayaw. Hindi ako nagsasabi ng pabor. Basta ang importante kung sino ang gusto ng anak ko, maligaya siya. Kung ‘yon ang gusto niyang mapangasawa, it will be his decision.”
Kung sa bagay, bago ang group interview ng press people na dumalaw sa kanya, naunang nag-interview kay Atye Vi si Jennylyn Mercado para sa isang segment na ipinalabas kahapon sa Showbiz Central. Mukha namang magkasundo sila.
Vilma was so candid nga na panay pa ang biro kay Jennylyn na aniya’y napagakagaling palang mag-host dahil natural na natural.
Bago ang panayam na iyon, kailan sila last na nagkita ni Jennylyn?
“Fishing, huh!” Natawang biro ng Star For All Seasons. “Eh, kung sabihin kong kahapon lang? Ha-ha-ha! Ano… the other day lang, nagkita kami. ‘Yon lang. Hanggang do’n lang. Period!” Pag-iwas ni Vilma na magdetalye pa tungkol sa pagkikita nilang ‘yon.
Sa ginawang interview ni Jennylyn sa kanya, may nasabi siya rito na… please take good care of Lucky. “Eh, magkasama sila kaya okey lang sabihing… take good care of Lucky. Sabi naman niya… yes. Eh, ‘di okay.”
Nakatakda siyang magbakasyon out of the country for two weeks. Bukod sa bonding time nila ito ng kanyang pamilya, parang regalo na rin niya ito kaugnay ng birthday niya ngayong November 3 na makapag-break siya.
“Asia lang kami. Ang unang plano sana ay sa States. Gusto ko sana kasi manood ng laban ni Manny Pacquiao. Eh… hindi na. Kasi hindi na na-extend ‘yong sem break ni Ryan, eh.”
‘Yon bang bakasyon niyang iyon eh, parang honeymoon din ulit nila ni Senator Ralph?
“In a way. Bigyan naman ninyo kami ng time. Kapag dito, wala kaming time.”
Pero kasama nila ang dalawang anak nilang sina Luis at Ryan?
“Napakaraming rooms ng hotel, ‘no? Ha-ha-ha!”
‘Yun na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan