Annulment ng pekeng kasal

Dear Atty. Acosta,

SUMULAT PO AKONG muli sa kadahilanang gusto ko pong maliwanagan kung bakit po kailangan pang ipa-annul ang isang pekeng kasal.

Ako po ay may kinasama nang sampung taon. Nagkaanak po kami ng dalawa. Sa kagustuhan ko pong maisunod sa apelyido ko ang aking mga anak, gumawa po kami ng isang pekeng marriage contract at iniba rin po namin ang aming taon ng kapanganakan. Noong ako po ay mamasukan sa isang trabaho, hiningian po ako ng authenticated na marriage contract kaya ang pineke naming marriage contract ay naparehistro sa NSO at mayroon nga pong record doon. Wala po talagang nangyaring seremonyas o anumang pagharap sa isang taong magkakasal sa amin at wala kaming marriage license.

Batay po sa mga nasubaybayan ko sa inyong kolum, kailangan pa rin po palang ipa-annul ang isang kasal kahit ito ay peke. Paano po ba ang proseso noon? Sa ngayon po kasi ay hiwalay na kami ng aking dating kinakasama at meron po akong bagong kinakasama. Meron po kaming anak. Maaari po ba akong kasuhan ng dati kong kinakasama kahit wala siyang pinanghahawakan na legal na dokumento? Nais ko pong maging maayos lahat bago po ako magpakasal muli.  Gusto ko rin pong malaman kung malaki po ba ang gagastusin sa pagpa-file ng petisyon para mapawalang bisa ang pekeng kasal? – Leopoldo

Dear Mr. Leopoldo ,

BAGAMAN MASALIMUOT ANG sitwasyong kinalalagyan mo ngayon, susubukan nating intindihin ang iyong suliranin at bigyang kasagutan ang iyong mga katanungan.

Una sa lahat, dapat mong malaman na ipinagpapalagay ng ating batas na ang lalaki at babae na kumikilos na parang mag-asawa ay pumasok sa isang kasal na naaayon sa batas. Ito ay ang tinatawag ng ating Revised Rules of Court na disputable presumption.

Sa iyong sitwasyon, kahit na inaamin mong pineke lamang ninyo ng iyong unang kinasama ang inyong marriage contract, hindi maipagkakailang kayo ay nagsama bilang mag-asawa. Sa katunayan, ayon sa iyo, kayo ay may anak na dalawa at ito ang naging dahilan ng pagkakaroon ninyo ng pekeng marriage contract para lamang maisunod mo sila sa iyong apelyido.   Samakatuwid, sa mata ng ating batas at lipunan kayo ay legal na mag-asawa ng una mong kinasama lalo na’t may marriage contract kayong nakarehistro sa National Statistics Office kahit ito man ay peke ayon sa iyo.

Ang kawalan ng isa sa mga essential at formal requisites ay magdudulot ng pagkawalang-bisa ng isang kasal.

Ayon sa iyo, walang seremonyas na naganap noong kayo ay ikasal at wala rin kayong marriage license na isinumite.  Dahil sa kawalan ng mga nabanggit, maihahanay ang inyong kasal sa marriage void ab initio. Subalit, tulad ng iyong nabanggit, kinakailangan munang ideklara ng hukuman na walang bisa na ang nasabing kasal bago kayo makapagpakasal muli. Hayagang ipinag-uutos ng Artikulo 40 ng ating Family Code na ang pagiging walang bisa ng isang kasal ay maaaring magamit upang makapagpakasal ng muli lamang kung may pinal na hatol na ang hukuman na ang kasal ay walang bisa.  Hindi natin maaaring ipagwalang bahala ang nasabing batas. Kaya naman, hindi ka pa maaaring magpakasal muli kung ang una mong kasal ay hindi pa napapawalang bisa.

Kaugnay nito, kinakailangan mong magsampa ng Petition for Declaration of Nullity of Marriage. Hihilingin at papatunayan mo sa hukuman na nararapat lamang na mapawalang bisa ang iyong kasal sapagkat walang seremonyang naganap at walang marriage license noong kayo ay ikasal. Ang mga posibleng gagastusin mo kapag ikaw ay nagsampa ng kaso ay ang filing fee at ang ibabayad mo sa iyong kukuning pribadong abogado. Ibig sabihin, ang halaga na iyong magagastos ay nakadepende sa usapan ninyo ng iyong pribadong abogado.

Tungkol naman sa iyong katanungan kung maaari ka bang sampahan ng kaso ng iyong unang kinakasama, ang matibay na kasong maaari niyang isampa sa iyo ay Action for Support para sa dalawa ninyong anak. Maaari rin siyang magsampa ng Violation of Republic Act No. 9262 o mas kilala sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 (VAWC) kung sa tingin niya ay nilabag mo ang nasabing batas. Ito ay nakadepende sa inyong sitwasyon ngayon.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBinay, 2016?
Next articleBuwagin ang SAID

No posts to display