HANGGANG NGAYO’Y nakababad pa sa mga balita ang tungkol sa sex-for-fly na raket ng mga tauhan ng DOLE sa abroad. Partikular na pinupuruhan ang mga labor attache (ngayo’y tinatawag na POLO) at welfare officer na nangmomolestiya ng mga babaeng OFW sa Gitnang Silangan. May napupuna lang ako sa mga pahayag ng DFA at DOLE tungkol sa nasabing isyu.
Una, sinasabi nilang ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap sila ng ganitong mga ulat tungkol sa “sex-for-fly” scheme ng mga labor official. Mali ito, matagal na itong nangyayari sa abroad at kahit mismo ako ay may mga naisulat nang kolum tungkol dito noon pa man.
Pangalawa, bakit mga labor official lang ang iniimbestigahan gayong may mga sangkot ding tauhan ng DFA sa nasabing mga kabalbalan?
Sa ilalim ng umiiral na batas, ang ating pamahalaan ay nagpapatupad ng tinatawag na “country team approach” sa pamamalakad ng mga embahada at konsulada sa ibang bansa. Ang ibig sabihin, ang ambassador o chief of mission ang hepe o team leader at nakapailalim lang sa kanya ang iba pang opisyales tulad ng mga labor attache at welfare officer. Habang nasa abroad, sagutin niya ang mga ito. Kung kaya’t kapag may ginawang kalokohan ang nasabing mga opisyales, dapat ay masita rin ang mga ambassador sa ilalim ng prinsipyo ng command responsibility. Ngunit hindi ito nangyayari ngayon.
Mahalaga, kung gayon, na higpitan pa ng mga taga-DFA ang pangangasiwa sa trabaho ng mga labor officers na kasama nila sa foreign post. Hindi puwede na lagi na lang sila sa cocktails, party at golf. Dapat ay dalasan nila ang pasyal sa mga welfare center, Bahay Kalinga at iba pa nang makita nila kung ano ang ginagawa ng mga labor officer nila roon. Sa gayon, hindi sila magugulat o magmamaang-maangan kapag may sasambulat na mga isyung tulad ng “sex-for-fly”.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo