Ano ang Ibig Sabihin ng Small Claims Court?

Dear Atty. Acosta,

 

GUSTO KO pong maghain ng reklamo sa korte upang masi-ngil ko ang mga may utang sa akin. May nakapagsabi sa akin na sa small claims court lamang daw ito. Ano po ang ibig sabihin nito?                                                                                 

 

Ms. Perlie

Dear Ms. Perlie,

 

ANG MGA small claims court ay itinalaga upang mabawasan ang bilang ng mga kasong dinidinig ng mga regular na hukuman. Ang mga usapin kung saan ang kabuuan ng pinag-uusapang halaga maliban sa interest at cost ng pagdedemanda, ay hindi lalampas sa isang daang libong piso (P100,000) ay nasasaklawan ng ating mga small claims court.

Nagtalaga ang ating Kataas-taasang Hukuman ng alituntunin at proseso na susundin sa mga usapin sa small claims court. Ito ay makikita sa SC En Banc Resolution No. A.M. No. 08-8-7-SC na may petsa na October 27, 2009.

Ayon sa Section 4 nito, ang mga alituntuning ito ang kailangang sundin ng Metropolitan Trial Courts, Municipal Trial Courts in Cities, Municipal Trial Courts at Municipal Circuit Trial Courts sa mga kaso na purong sibil lamang kung saan ang hinihingi ng nagdedemanda ay ang pagbabayad lamang sa kanya ng pera o ang sibil na aspeto ng isang kriminal na kaso na nauna nang inihain bago sa kriminal na aksyon o inireserba ang paghain nito ng naghain ng kriminal na aksyon alinsunod sa Rule 111 ng Revised Rules of Criminal Procedure.

Ang mga halagang hinihingi na ito ay maaaring magmula sa: a) perang dapat bayaran alinsunod sa Contract of Lease, Contract of Loan, Contract of Services, Contract of Sale o Contract of Mortgage; b) damages na natamo ng isang nagrereklamo dahil sa fault o negligence, quasi-contract o contract; c) pagpapatupad ng isang kasunduan sa baranggay o ibang arbitrasyon kung saan ang pinag-uusapan ay may perang kasama.

Upang makapaghain ng reklamo rito, kailangan lamang magsumite ng isang beripikadong Statement of Claim at Certificate of Non-Forum Shopping kalakip ang dalawang sertipikadong kopya ng dokumento na pinagbabasehan ng kanyang hinihinging halaga (Section 5, SC En Banc Resolution No. A.M. No. 08-8-7 dated October 27, 2009). Mayroong mga form na kailangan lamang punan ng nagrereklamo.

Ipinagbabawal din ang representasyon ng isang abogado sa magkabilang panig maliban na lamang kung ang mismong nagrereklamo o inirereklamo ay isang abogado. Gayunpaman, kung ang alinman sa partido ng kaso ay walang kakayahan na maayos na maipresenta ang kanyang posisyon at kinakailangan nito ang tulong ng iba, maaaring magtalaga ang hukuman ng ibang tao na hindi abogado upang tumulong sa partidong nangangailangan nito, kung nais ito ng huli.

Layon ng small claims court na mas mapabilis ang pagtugon sa mga suliraning kanilang nasasaklawan. Dahi dito, higit na payak at mas madali ang proseso na sinusunod dito.

Nawa ay nasagot namin nang lubusan ang iyong katanu-ngan.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleAngat ang Talento ng Kabataang Pinoy
Next articleSalamat Kay Michael Martinez

No posts to display