Dear Atty. Acosta,
SA HINDI inaasahang pangyayari ay pumanaw ang aking asawa. Wala kaming ari-arian maliban na lamang sa maliit na bahay na aming tinitirahan. Nang ayusin ko ang kanyang gamit ay nakita ko ang kanyang ATM. Hindi ko alam kung mayroon siyang natabing pera kung kaya’t nagtungo ako sa bangko. Ayon sa empleyado ng bangko, mayroong naiwang pera ang aking asawa ngunit upang maibigay nila ito sa akin ay kailangan kong gumawa ng isang affidavit. Salat po ako sa kaalaman dahil hindi ako tumuntong ng kolehiyo. Ano po ba ang affidavit at ano ang dapat isinasaad nito? Maaari po ba akong lumapit sa inyong opisina upang magpatulong?
Gumagalang,
Mrs. Diana
Dear Mrs. Diana,
AMING IKINALULUNGKOT ang pagpanaw ng iyong asawa. Parte ng buhay na isang tao ang pagharap at pagtanggap sa pagkawala ng mga mahal sa buhay. Atin na lamang ipagpasalamat ang bawat oras at pagkakataon na nakasama natin silang mga namayapa na at ipagpatuloy ang ating paglalakbay sa buhay.
Base sa iyong sulat, kailangan mo ng legal na serbisyo partikular na ang pagkakaroon ng gabay sa paggawa ng isang affidavit. Ang affidavit ay isang sinumpaang salaysay na ginagawa ng isang tao na nais maglahad ng pangyayari at patotohanan ito. Mahalaga na ang gagawa nito ay magsasabi ng pawang katotohanan lamang sapagkat sa oras na ito ay manotaryohan ay legally bound ang taong gumawa nito at maaaring maparusahan kung mapatunayan na siya ay nagsisinungaling.
Ang aming tanggapan, ang Public Attorney’s Office (PAO), ay maaaring tumulong sa iyo upang makagawa ka ng nasabing affidavit na maaari mong isumite sa bangko upang makuha ang salaping naiwan ng iyong asawa. Nais naming ipaalala na mahalagang pumunta ka sa pinakamalapit naming tanggapan, na karaniwang matatagpuan sa bulwagan ng katarungan o sa inyong munisipyo upang malaman kung ikaw ay kuwalipikado bilang kliyente ng aming opisina. Kaugnay nito ay kailangan mong magdala ng isa sa mga sumusunod na proof of indigency: (1) Latest Income Tax Return (ITR), pay slip o iba pang dokumentong magpapakita ng iyong buwanang sahod; (2) Certificate of Indigency mula sa Barangay kung saan kayo nakatira; o (3) Certificate of Indigency mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakakasakop sa inyong lugar na tinitirahan. Kung kayo ay kuwalipikadong maging aming kliyente ay bibigyan kayo ng kaukulang tulong sa paggawa ng inyong salaysay, pati na rin ng iba pang payong legal na inyong kakailanganin.
Makabubuti rin kung makakapagdala ka sa aming tanggapan ng mga dokumentong makatutulong sa iyong nais hilingin mula sa bangko katulad ng inyong National Statistics Office (NSO)-authenticated marriage certificate bilang patunay na kayo ang legal na asawa ng iyong namayapang mister, kasama na rin ang kanyang death certificate bilang patunay sa kanyang pagkasawi.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta