BAKIT BA may isang tila tagabantay sa Kongreso noong nagbotohan ang mga mambabatas sa mababang kapulungan hinggil sa Bangsamoro Basic Law (BBL)? Ang usap-usapan ay pinagana na naman ng administrasyong Aquino ang kapangyarihan ng pera sa gobyerno. May limang milyong pondo umanong naghihintay sa mga kapartido at tagasuporta para sa pagpasa ng BBL sa Kongreso. Bukod dito ay mayroong cash gift na P1 million sa lahat ng masasama sa listahan ng mga susuporta sa botohan ng Kongreso para sa BBL.
Talagang pera-pera lang ang labanan ngayon sa pulitika ng Pilipinas. Pati ang pagpapasa ng batas ngayon ay nabibili na rin ng salapi. Kapalan na lang talaga ng mukha at tila wala nang dapat ikahiya o ikubli ang pagtambay ni Budget Secretary Florencio “Butch” Abad sa Kongreso habang nagbobotohan ang mga kongresista sa panukalang batas na BBL. Nag-check nga kaya ng boto si Abad at nagsiguradong makikita niya sa kanyang mga mata ang mga kaalyadong tapat kay PNoy?
Ang mahirap sa ganitong sistema ng pulitika kung saan nagsusunud-sunuran lang ang mga mambabatas sa partido o ‘di kaya ay sa pangulo ng Pilipinas, ang resulta ay isang corrupted na gobyerno. Ang mga batas na nakasalalay sa kamay ng mga kongresista ay nagagamit sa pansariling kapakanan ng isang pulitiko. Mukhang nag-aasam ng isang Nobel Prize ang tinaguriang Mr. Tuwid na daan.
KUNG NAKUKUMPROMISO ang mga batas, magiging disadvantageous ito para sa pag-unlad ng bansa. Ito halos ang nangyayari ngayon sa Pilipinas. Ang pagsasabatas ay nakukumpromiso sa adhikaing pulitikal ng isang indibidwal o ‘di kaya’y partido sa pulitika. Ang isyu ng BBL ay seryoso at kapalaran ng buong bansa ang nakasalalay rito. Ilang ulit ko nang tinalakay ang isyu ng BBL at hindi naman ako tutol sa pagpapaunlad ng Mindanao, ngunit dapat ay tama ang proseso at plano para sa kapakinabangan ng bawat Pilipino.
Tandaan natin na kung maisasabatas BBL, magiging bahagi na ng kasaysayan ito at mga batas na igagalang ng mga susunod na saling lahi. Wala namang mali sa pagpapaunlad ng Mindanao, dahil mga kababayan nating Pilipino rin ang makikinabang dito. Ang problema ay kinakasangkapan lamang ang BBL ng mga pulitiko para sa kanilang masasamang layunin.
Kung lalawakan natin ang ating perspektibo ay makikita natin ang negatibong epekto ng pagsasabatas ng BBL sa proseso ng pagsasabatas dito sa Pilipinas. Magiging isang precedent case ito para magkaroon ng kapangyarihang mamanipula ng isang corrupt na gobyerno ang paggawa ng batas dito sa ating bansa. Kung magiging madali lamang ang prosesong ito ay hindi malayong maulit muli ang panahong walang kalayaan at gapos ang ating kamay para magawa at isigaw ang ating saloobin.
HINDI TALAGA uubra ang porma ng BBL sa ating Saligang Batas. Hindi rin maaaring palitan ng BBL ang isinasaad ng Saligang Batas na mga autonomous regions sa bansa gaya ng ARMM na una nang nalusaw dahil sa pagkakatatag ng Bangsamoro.
Ibang-iba kasi ang substansya ng BBL kumpara sa dating Autonomous Region of Muslim Mindanao. Ang BBL ay nagsasaad ng isang independenteng Bangsamoro, kung saan ay humihiwalay ito sa mga pangunahing sangay ng pamahalaang Pilipinas gaya ng Office of the Ombudsman, Commission on Elections, military, at police system.
Sa pormang ito ng Bangsamoro ay ipinipilit ng BBL ang isang federal system na hindi naman porma ng ating Saligang Batas. Ang 1987 Philippine Constitution ay isang unitary form ng gobyerno, kung saan ay may iisang sentrong kapangyarihan ang gobyerno ng Pilipinas. Hindi gaya ng sa Estados Unidos na isang federal system, mayroong mga kapangyarihang lokal ang bawat estado na hindi maaaring saklawan ng central government.
Ang Bangsamoro ay may pormang isang estado kahit na pagbali-baliktarin pa rin nila ang mga terminolohiyang ginagamit dito. Mangangailangan ito ng pag-aamyenda sa Saligang Batas ng Pilipinas. Ibig sabihin ay kung hindi maaamyendahan ang 1987 Philippine Constitution, hindi maaaring maipasa ang BBL. Tiyak na pipigilan ito ng Korte Suprema kung hindi ito magiging bayaran gaya ng mga kongresistang bumoto para sa BBL sa Kongreso.
ANG PILIPINAS at mga mamamayan nito ang talunan sa huli kung mananatili ang sistemang bayaran at pulitikahan sa Kongreso. Dalawa ang isyung kinahaharap natin bilang isang bansa. Una ay kung nararapat nga ba na magkaroon ng isang Bangsamoro, kung saan ay itinutulak ang pagiging separadong estado ng isang malaking bahagi ng Mindanao mula sa gobyernong Pilipinas. Pangalawa ay ang pagiging kasangkapan lamang ng Kongreso sa interes ng isang nasakapangyarihang administrasyon.
Mapanganib ang ganitong kalakalan sa Kongreso kung magpapatuloy. Hindi na rin ito nalalayo sa isang pormang diktadurya na modified parliamentary na itinayo ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa panahon ni Marcos ay hawak niya ang pagsasabatas gamit ang Batasang Pambansa. Hawak din niya ang mga justices sa leeg kaya’t nagsusunud-sunuran lamang sila kay Marcos at Imelda. Hindi siguro malilimutan ng iba ang paghawak ng payong ni Chief Justice Fernando para payungan lamang si Imelda.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, maaaring mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo