NAGTRABAHO AKO nang halos siyam na buwan sa Dubai. Bago ako umalis sa Pilipinas, ang suweldo na dapat tanggapin ko na nakalagay sa kontrata ay $450 kada buwan. Ang kontrata kong ito ay ang pinirmahan ko rito at naaprubahan ng POEA. Pagdating ko roon, pinalagda ako uli sa isa pang kontrata at doo’y nakalagay ang sahod ko sa isang buwan ay $300 lamang. Mula noon, itong mas maliit na sahod ang aking tinanggap buwan-buwan. Hindi pa tapos ang aking kontrata ay pinalayas na ako ng aking amo nang walang malinaw na dahilan. Kamakaila’y umuwi ako sa ‘Pinas at nagbalak magsampa ng kaso laban sa aking employer. Ang isasampa ko ay illegal dismissal at pag-claim sa backwages ko. May laban po ba ako sa illegal dismissal? Sa aking demanda para sa backwages, ano po ang pagbabasehan ko – ang original kong kontrata o ang binagong kontrata? — Lorna ng Novaliches
MAY LABAN ka sa kaso ng illegal dismissal. Patunayan mo lang na ang pag-aalis sa iyo ay walang sapat na dahilan. At kung meron man, dapat ay nagkaroon ng due process, halimbawa’y ang pagpapadala sa iyo ng notice at pagkakaroon ng hearing. Oras na matipon mo ang ebidensiya tungkol dito, matibay na ang kaso mo.
Kung ang pag-uusapan naman ay tungkol sa claim mo para sa sahod na ‘di mo natanggap, ang dapat na pagbatayan ng kaso mo ay ang unang kontrata na inaprubahan ng POEA. Ito ang legal na kontrata. Ang pinalitan o binagong kontrata ay illegal at hindi ito maaaring gamitin ng kalaban mo na basehan para sa kasuhan. Kaya ang igigiit mong sahod na dapat tanggapin ay ang $450 at hindi ang $300.
Ang pagpapalit ng kontrata ay tinatawag na contract substitution. Dahil ito ay illegal, maaaring magsampa ka ng hiwalay na kaso laban sa iyong employer o ahensiya.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo