KUNG KAYO ay nanirahan na sa mga “first world country” kung tawagin, gaya ng Canada at U.S., ay maaaring pamilyar na kayo sa batas na tinaguriang “Lemon Law”. Ito ang batas na pinag-uusapan ngayon, lalo na ng mga nagnanais bumili ng bagong sasakyan.
Ang “Lemon Law” ay unang ipinanukala ni Congressman Manuel “WayKurat” Zamora noon pang 1990’s at umano’y 15 years in the making, ayon kay Sen. Bam Aquino, na isa sa mga nagsulong ng batas na “Lemon Law”.
Ano nga ba ang “Lemon Law”? Para saan ba ang batas na ito? Ano ba ang pakinabang ng mga Pilipino, lalo na ang mga ordinaryong mamamayan sa ating bayan? Makatutulong ba ito sa kahirapan? Bagay ba ang batas na ito sa ating lipunan at ekonomiya? Ang mga tanong na ito ang nais kong bigyang-linaw sa artikulong ito.
ANG “LEMON Law” ay hindi na bago sa mga first world countries gaya ng Japan, Singapore, Canada at United States of America. Ang batas na ito ang nagbibigay ng proteksyon sa mga mamimili ng sasakyan laban sa mga depektibong produkto ng mga kumpanyang gumagawa nito.
Angkop at nababagay ito sa mga bansang kung tawagin ay “highly industrialized countries”. Ang pagbili at pag-aari kasi ng sariling sasakyan o pribadong kotse sa mga bansang ito ay itinuturing na isang “basic commodity” o pangkaraniwang pangangailangan lamang ng mga tao.
Dito sa Pilipinas, ang ipinapanukalang bagong batas na “Lemon Law” ay nakarating na sa Bi-Cameral Conference Committee ng Senate at Congresss para mas gawing pulido ang bagong batas na ito.
Ang “Lemon Law” ay may kahalintulad na intensyon at gamit gaya ng sa mga nabanggit na bansa. Binibigyang-proteksyon din nito ang mga Pilipinong bibili ng bagong sasakyan mula sa mga depektibong produkto.
Sa ilalim ng batas na “Lemon Law” ay maaaring papalitan ng bago o ibalik ang perang ibinayad ng nakabili ng isang “lemon car”. Ang mga sasakyang may depekto mula sa pagawaan ay tinatawag na lemon car. Kung sakaling makita ng nakabili ang depekto ng kanyang sasakyan na nagmula sa pagawaan ay maaari niya itong isauli at papalitan ng bago o kunin nang buo ang lahat ng kanyang ibinayad.
MAY ISANG taong palugit ang “Lemon Law” o ‘di lalagpas sa 20,000 kilometers mileage, para maisoli ang depektibong sasakyan at mapalitan ng bago o ‘di kaya’y maibalik ang perang ibinayad sa sasakyan. Ang sasakyang idedeklarang depektibo ay dadaan sa masusing inspeksyon. Kung hindi maitatama ang depekto pagkatapos palitan ang mga bahaging nagdudulot ng problema sa sasakyan ay ipag-uutos ng batas na palitan ito ng bago o ‘di kaya’y ibalik ang pera ng nakabili kung ito ang mas nanaisin niya.
Bahagi rin ng “Lemon Law” ang pag-aabono ng nagbentang kompanya sa mga gagastusing pamasahe ng bumili habang ipinaaayos ang depektibong sasakyan ng nagbentang kompanya, habang wala itong magamit, hanggang maibalik sa bumili ang kanyang sasakyan sa maayos na kundisyon.
Ang Department of Trade and Industry (DTI) naman ang sangay ng gobyernong mamamagitan sa sigalot na ito ng magkabilang kampo ng bumili at nagtindang kompanya. Ang nakabili ng depektibong sasakyan ay kailangang sumulat sa DTI kung sakaling hindi tutupad sa “Lemon Law” ang kompanyang nagbenta ng depektibong sasakyan.
SI SENATOR Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ang nagsabi na may ilang “minor clarifications” na lang ang kailangan at magiging batas na ito. Ang tanong ngayon ay kung magiging batas na ito ay may pakinabang ba rito ang mga ordinaryong mamamayan?
Maraming nagsasabi na ang “Lemon Law” ay isang batas na pangmayaman lamang. Sila lang kasi ang bumibili ng mga bagong sasakyan. Ngunit sa isang banda ay ang mga “middle income” families na bumibili ng mga sasakyang pampasada gaya ng taxi at FX ay matutulungan din ng batas. Ngunit ang mga mahihirap o nasa “below poverty line,” kung saan ayon sa mga surveys ay mas nakararami, tila walang mahihita sa batas na ito.
Masasabi ko ring hindi gaanong bagay ang batas na ito sa isang “third world” o developing country gaya ng Pilipinas. Hindi kasi itinuturing na “basic commodity” ang pagbili o pag-aari ng sasakyan dito sa Pilipinas, hindi gaya ng mga highly developed countries. Nangangahulugang may pagka-“burgis” o pang-maykaya (“haves”) sa buhay ang batas na ito at hindi para sa “masa” (“have not”) kung ang pagbabatayan ay ang pananaw ni Karl Marx.
MAS MAIGI sana kung ang mga batas na ipapasa sa ilalim ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ay mga batas na mapakikinabangan ng mas nakararaming Pilipino, lalo na ang mga mahihirap nating kababayan.
Kulang pa ang ating mga batas para ipag-utos na wala dapat Pilipinong magugutom o mamamatay dahil sa kahirapan. Dapat ay may mga batas din na titiyak na ang lahat ng mga nagsipagtapos ng kolehiyo ay may tiyak na hanap-buhay. Dapat din ay may batas na sisiguruhing ang bawat pamilyang Pilipino ay makakakain ng tatlong beses sa isang araw.
Ito ang mga batas na higit na kailangan ng isang “third world country” gaya natin!
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napapanood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napapanood din ang inyong lingkod sa TV5 sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes 5:30-6:00 pm. At tuwing Sabado sa Aksyon Weekend new, 4:45 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo