ANG SUPREME Court (SC) ay muling huhusgahan sa ikalawang pagkakataon ang dating pangulo at ngayon ay kasalukuyang mayor ng Manila na si Joseph Estrada. Matatandaan din na guilty ang hatol sa kanya ng Sandigang Bayan sa kasong pandarambong o plunder. Sa ikalawang pagkakataon naman ay muling hahatulan si Erap hinggil sa pagiging kuwalipikado niya o diskuwalipikado upang muling tumakbo sa politika at humawak ng posisyon sa gobyerno.
Ang kasong ito umano ay naisama na sa agenda ng SC sa susunod nilang pagpupulong at isinumite ito “for urgent SC resolution” ayon sa artikulo ng isang malaking pahayagan. Ang reklamong ito ay mula sa mga pinagsamang petisyon nina dating Manila Mayor Alfredo Lim at abogado niyang si Atty. Alicia Vidal.
Sinasabi sa petisyong ito na dapat ay diskuwalipikado si Erap sa pagtakbo sa kahit anumang posisyon sa pamahalaan dahil sa nagkaroon siya ng conviction mula sa kasong plunder noong 2007. Dagdag pa ng mga nagrereklamo na ang iginawad kay Erap ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na executive pardon ay hindi nagbabalik sa mga karapatan ni Erap bilang isang mamamayan, gaya ng pagtakbo sa politika para sa isang posisyong pampubliko.
ANO NGA kaya ang magiging hatol ng SC sa kasong ito laban kay Erap? Paano nito maaapektuhan ang Lungsod ng Maynila kung sakaling madiskuwalipika nga si Mayor Joseph Estrada? Sa mas malaking perspektibo ay ano ba ang implikasyon nito sa umiiral na uri ng politika rito sa bansa? Hindi na rin kasi ito ang unang disqualification case na hinusgahan at tinapos ng SC sa termino ni PNoy. Kailan lang ay naalis sa kapangyarihan bilang Governor ng Laguna ang pamangkin ni Erap na si dating Governor ER Ejercito dahil sa overspending noong nakaraang eleksyon.
Kung matutulad nga si Erap sa pamangkin nitong si ER na napatalsik sa probinsya ng Laguna bilang gobernador, ano ang maaaring mangyari sa Lungsod ng Maynila? Hindi gaya ng sa kaso ni ER na disqualification mula sa pagiging gobernador dahil sa tahasang paglabag sa kautusan ng COMELEC hinggil sa pinapayagang gastos lamang ng isang kandidato sa eleksyon, iba ang kalikasan ng reklamo kay Erap.
Ipinapalagay kasi ng batas na kung sakaling hindi nga dapat tumakbo si Erap sa pagka-Mayor ng Maynila, dapat ay si dating Manila Mayor Alfredo Lim ang nakaupo bilang Mayor ng Maynila ngayon dahil siya ang sumunod na may pinakamataas na boto kay Erap. Hindi gaya ng sa kaso ni ER na nagkaroon lamang ng succession of power kung saan ipinag-uutos ng batas na pumalit ang bise-gobernador sa nadiskuwalipika na gobernador.
ANG ISANG implikasyon kung si Erap ay maaalis sa pagka-mayor ay uupo si Alfredo Lim bilang mayor at hindi isang succession of power kung saan ipagpapatuloy lamang ni Vice-Mayor Isko Moreno ang nasimulang mga proyekto ng tambalan nila ni Erap. Maaaring ibalewala nga ni Lim ang mga proyektong ito kung gugustuhin niya. Ganito kasi ang kalakaran at umiiral na kultura ng politika sa bansa natin. Kung magkakataon ay maiipit ang mga taga-Maynila sa banggaang ideyolohiya ng mga politikong ito. Sa isang simpleng lohiko ay mahihirapan ang mga taga-Lungsod ng Maynila. Ang tanong ay bibigyan kaya ng bigat at konsidersyon ang salik na ito sa kasong diskuwalipikasyon kay Erap?
Ang problema kasi rito ay nagiging kumplikado at lumalala ang sitwasyon dahil sa kabagalan ng pag-usad ng mga ganitong kaso sa bansa. Maging ang dating kasong isinampa ni Senator Miriam Defensor-Santiago laban kay dating Pangulong Ramos sa isyu ng dagdag-bawas noong naglaban ang dalawa sa pagkapangulo ay natapos lamang pagkatapos ng termino ni Pangulong Ramos. Gaya nito, ay halos patapos na rin ang termino ni Erap sa pagiging mayor ng Maynila. Marami na siyang nasimulang proyekto at marahil ay ilan dito ay nananatiling nakabinbin magpahanggang ngayon.
Lumalabas tuloy na kung tama ang reklamo laban sa politiko ay nakakaisa sa batas ang mga kandidatong nandaya o hindi karapat-dapat na tumakbo sa politika. Dahil dito ay nagiging walang saysay ang mga batas dahil hindi ito naipaiiral sa tamang panahon. Sa huli, ang mga mamamayan ang nagdurusa.
SINAGOT NI Erap at mga abogado nito ang alegasyon ng mga kalaban niya sa politika sa isyu ng disqualification alinsunod sa kasong plunder kung saan siya ay nahatulang guilty. Ang executive pardon para sa kanila ay nagbigay ng absolute recognition sa mga karapatan ni Erap bilang isang mamamayan ng bansa. Kasama na rito ang tumako sa isang public position.
Idinagdag pa ng kampo ni Estrada na ang magkakatulad na desisyon ng Manila Regional Trial Court, Sandiganbayan at Comelec na nagbasura sa reklamo ng kampo ni Lim ay malakas na basehan para siya ay paburan ng SC. Kung tama ang pagtaya ni Erap sa kanyang kaso ay masasabing siya naman ang magtatagumpay sa ikalawang harapan nila ng SC.
Katulad ng mga nagawang pelikula ni Mayor Erap kung saan ay may mga pagkakataong namamatay siya bilang bida sa dulo ng pelikula, mayroon din namang ang bidang si Erap ay nagtatagumpay nang buhay. Tiyak na ito ang suwerteng inaasahan niya.
Sa huli, ang ating magiging tanong ay kung ano ang ihahatol ng Korte Suprema sa kasong ito.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo