ARAW-ARAW AY NASA balita ang mga OFW na naiipit sa mga digmaan sa Libya, Syria, Afghanistan, Iraq at iba pang bansa na may kaguluhan. Kaya nga’t nasaktan kaming mga OFW nang sabihin ni P-Noy sa kanyang SONA na mas kapuri-puri ang mga Pinoy na nagdesisyong magtrabaho rito sa Pilipinas kaysa sa ibang bansa. Mas pinili raw nila ang maglingkod sa mga kababayan natin kaysa sa mga dayuhan. Pero hindi po biro-biro ang trabaho naming mga OFW sa abroad. Kay’at sa tingin ko’y mas nagmamalasakit kami at dapat talagang ituring na mga bagong bayani. ‘Di po ba? — Annaliza mula sa Jordan
KAPURI-PURI NGA ANG mga OFW na araw-araw ay humaharap sa mga mapapanganib na gawain sa ibang bansa. Halimbawa na rito ang mga nurse, doktor at iba pang medical worker na hindi lumikas sa Libya at mas pinili pang manatili roon sa kabila ng giyera. May nagsasabi na kaya lang naman nandoon pa ang mga iyon ay dahil na-doble o na-triple ang kanilang mga sahod. Pero hindi maikakaila na mahalaga ang kanilang serbisyo roon. Lalo na sa panahon ng digmaan, ginagamot nila ang mga sugatan, sila ma’y sundalo ng gobyerno o sila ma’y rebelde. Lahat ay kanilang pinaglilingkuran.
Gayundin ang mga ginagawa ng mga OFW sa Syria, Iraq at iba pang bansang may digmaang sibil. Ganu’n din ang kanilang ginawa noon sa Egypt at sa Yemen.
Naaalala ko tuloy ang sinasabi ng mga OFW nang sila’y iniinterbyu ng media. Noong tinatanong ang mga Pinoy na nasa Libya o Syria o sa Lebanon o sa Kuwait noon kung bakit ayaw nilang mag-evacuate at umuwi na lang sa Pilipinas, ang sagot nila’y “Hindi na baleng dito kami kasi wala namang naghihintay na trabaho sa amin d’yan sa Pilipinas”. Na totoo rin naman.
Kaya kapuri-puri rin naman ang mga Pinoy na nananatiling dito nagtatrabaho sa kabila ng di-kataasang sahod at sa kabila ng iba pang problema sa kabuhayan.
Kaya nga hindi dapat magkaroon ng pagkukumpara sa mga Pinoy na nandito at sa mga OFW na nasa ibang bansa. Pare-pareho silang nagtatrabaho sa mahihirap na kalagayan. At kadalasa’y wala silang pamimilian. Nasadlak sila sa kalagayang kailangan nilang kumita, sa anumang ligal na paraan.
Kaya ang totoo n’yan – kapwa sila mga bayani – nasa loob o nasa labas man sila ng bansa.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo