BAGONG TAON na naman mga bagets! Kapag bagong taon, ano nga ba ang meron? Bagong hairstyle? Bagong porma? Bagong kaibigan? Bagong simulain? Bagong pangarap? Oo, tama, lahat ‘yan maaari mangyari dahil ang bagong taon ay kasingkahulugan ng panahon para sa pagbabago. Kaya nga kapag bagong taon, usung-uso sa atin ang walang kakupas-kupas na New Year’s Resolution!
Ang New Year’s Resolution ay nandiyan para magsilbing gabay sa atin sa ating paglalakbay tungo sa pagbabago. Ito rin ang magpapaalala sa atin na ang listahan na ito ay gagawin hindi lang para sa ikabubuti ng sarili kundi para rin sa ikabubuti ng mga taong nakapaligid sa atin, ang ating mga pamilya, kaklase, kaibigan at katrabaho. Anu-ano nga ba ang nararapat sa listahan natin ng New Year’s Resolution?
1. Iwas cramming. Unang-una sa ating listahan ay iwas cramming! Bakit nga ba? Kapag bagets ang pinag-uusapan may dalawa lang naman silang nasyonalidad, ito ang Russian at Argentinian o sabihin na nating “Rush ‘yan” at “Urgent ‘yan”. Mahilig ang mga bagets diyan. Sa hinaba-haba ng bakasyon, sa pinakahuling araw pa rin sila gagawa ng mga takdang aralin at proyekto. Kaya mga kabataan, iwasan ang cramming. ‘Di nakagaganda at nakapopogi ‘yan. Mas papangit pa kayo dahil kasisimula pa lang ng taon, stress na agad ang aabutin n’yo sa kagustuhang matapos ang gabundok na kinakailangang tapusin bago magpasukan.
2. Huwag nang ma-late at mag-absent. Sakit din ito ng mga bagets ang “katam” o katamaran. Nang dahil sa katamaran, nale-late ang mga bagets sa paaralan. Malala pa, nag-a-absent pa sila. Kalimutan na ang Filipino time, maling kinagawian ‘yan. Sabi nga nila, ugaliing laging present para wala kang masyado nami-miss na mga aralin o kaganapan.
3. Iwasan ang magpuyat. Ano nga ba ang pangunahing sanhi ng pagpupuyat ng kabataan ngayon? Ano pa nga ba, isisi natin ‘yan sa Internet at ang social networking sites dito. Mabuti sana kung nagpupuyat kayo dahil sa kaaaral kaso hindi, nagpupuyat kayo kati-tweet, kai-stalk sa Facebook at kaba-browse ng pictures sa Instagram. Huwag mag-ipon ng eyebags, nakapapangit ‘yan. Ugaliing matulog nang maaga para buo ang energy kinabukasan.
4. Mag-aral nang mabuti. Laging isaisip na napakasuwerte natin dahil nakapag-aaral tayo. Kaya huwag sayangin ang perang nilalaan ng mga magulang para sa inyong edukasyon. Huwag pumasok para lang sa baon. Pumasok para sa bagong kaalaman. Tandaan, ang paaralan ay magsisilbing inyong “training ground” para sa magandang kinabukasan.
5. Mag-ipon, huwag maging magastos. Sa pagsisimula ng taon, magandang mag-ipon na tayo para sa mga bagay na gusto nating bilihin o lugar na gustong puntahan. Hindi maganda na puro hingi nang hingi tayo sa ating mga magulang, maganda rin kung may sarili tayong pera. Paano na lang kung bakasyon na? Naku po, NBSB kayo niyan, No Baon Since Bakasyon. Gusto n’yo ba ‘yun? Sa bakasyon pa kayo mapipigilan sa mga gusto ninyo? Kaya mag-ipon nang mag-ipon. Huwag masyadong maging magastos, lalo na kung hindi naman ito kailangan talaga at lalo na kung kaartehan at pangporma lang ito.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo