Dear Atty. Acosta,
NAIS KO lang po malaman kung ano ang ibig sabihin ng “accessory to the crime”?
Ron
Dear Ron,
ANG ACCESSORY to the crime ay tumutukoy sa partisipasyon ng isang tao sa isang krimen. Ayon sa Artikulo 19 ng Revised Penal Code, maaaring maging accessory to the crime ang isang taong may alam sa krimeng naganap kung nakinabang siya o tinulungan niya ang kriminal na makinabang sa bunga ng krimeng ginawa o kung itinago o sinira niya ang mga edibensiya ng krimen upang hindi ito malaman o madiskubre.
Maaari ring maging accessory to the crime ang isang tao kung itinago o tinulungan niyang makatakas ang kriminal sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang public function o kung ang krimeng ginawa ay treason, parricide, murder o tangkang pagpatay sa presidente ng bansa o kung ang kriminal ay isang habitual criminal. Upang maging accessory to the crime, kinakailangan din na wala siyang partisipasyon sa krimen at ginawa niya ang mga nabanggit pagkatapos na mangyari ito.
Ang taong mapatutunayan na naging accessory to the crime ay maparurusahan ng pagkakakulong na mas mababa ng two degrees sa kaparusahang ipapataw para sa principal o taong gumawa ng krimen (Article 19, Revised Penal Code). Halimbawa, kapag ang krimen ay homicide, ang accessory to the crime ay napaparusahan ng prision correctional o anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon na pagkakakulong. Ang kaparusahang ito ay two degrees na mas mababa sa kaparusahan ng homicide na reclusion temporal o labindalawang taon at isang araw hanggang dalawampung taon na pagkakakulong.
Ngunit hindi mananagot bilang accessory to the crime ang asawa, ascendants, descendants, lehitimo o ampon na kapatid o relative within the same degree ng kriminal maliban na nga lang kung nakinabang siya o tinulungan niya ang kriminal na makinabang sa bunga ng krimeng ginawa (Article 20, Revised Penal Code).
Atorni First
By Atty. Persida Acosta