ANG ISA sa pinakamahalagang ahensya sa ating pamahalaan ay ang Food and Drugs Administration (FDA). Ito ang tanggapan na tagapangasiwa ng mga pagkain, gamot, cosmetics, medical devices at household hazardous waste na ibinibenta sa ating merkado.
Ang FDA ang nagsisiguro na ang mga bagay na ito ay ligtas kainin, inumin at gamitin ng mga mamimili. Sa madaling salita, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng ahensyang ito pagdating sa kalusugan ng sambayanan.
Sa paglaganap ng mga pekeng gamot na gawa sa ibang bansa tulad ng China, ang FDA ang nagsisilbing proteksyon nating lahat.
Nakasalalay sa kanila ang pagpigil ng pagpasok ng nasabing mga gamot. At kung sakali mang nakapasok na ang mga ito, sila ang nagbibigay ng babala sa madla at kaagapay na rin ng ating law enforcement agencies para kumpiskahin ang mga ito at tugisin ang mga pasimuno.
AT ANG pinakaimportanteng posisyon sa FDA ay ang puwesto ni Director Kenneth Hartigan-Go, ang hepe ng nasabing ahensya. Malaki ang inaasahan kay Go ng kanyang mga kasamahan sa FDA para masiguro na maayos ang kanyang pamamalakad sa tanggapang ito.
Malapit kasi ang tukso lalo na sa mga opisyal dito dahil sa limpak-limpak na salapi na handang ipamudmod ng mga tiwaling importers, drug companies at fake drug retailers.
Ibig sabihin, hindi malayong makikipagsabwatan ang mga kawani rito sa mga katiwalian na dapat tinututukan ni Go para huwag mangyari.
Pero paano kung mismong si Go ang isinasangkot sa katiwalian?
ISANG SOURCE na ayaw magpabanggit ng pangalan ang dumulog sa inyong lingkod kamakailan. Ang kanyang tanong, ano na raw ang nangyari sa reklamo na isinampa laban kay Go sa Office of the Ombudsman at sa tanggapan ni Department of Health (DOH) Secretary Enrique Ona?
Ang reklamong ito ay inendorso raw mismo ni Atty. Joebil B. Delmoro, ang DOH resident Ombudsman, kay Ona sa isang endorsement letter na may petsang March 19, 2013.
Ito’y kaugnay sa pagtatayo ni Go ng FDA Academy kung saan ang lahat ng stakeholders sa industriya na gustong makipagtransaksyon sa FDA ay dapat magbayad ng seminar para sa isang tinatawag na course fee na nagkakahalaga ng P6,000.00 pataas.
Halos dumoble raw ito kumpara sa dati. Ang masaklap pa, kapag tatlo ang produkto ng isang stakeholder halimbawa, tatlong beses ding magbabayad ng tig-P6,000.00 ang magte-training na empleyado nito na aabot sa P18,000.00.
Ayon sa mga namamalakad ng FDA Academy, ang mga bayad para sa mga seminar na kanilang nakokolekta ay napupunta raw sa FDA fund. Kung gayon, kasama raw ba sa pagbubusisi ng Commission on Audit ang mga pera rito? Pagtataka pa ng source.
Ngunit ang pinakamalaking tanong, ligal ba ang pagtatayo ni Go ng FDA Academy, at ito ba ay may pahintulot sa DOH at Kongreso?
ISA PANG reklamo na ibinabato laban kay Go ay ang pagiging isa sa mga incorporator umano ng kanyang ama sa isang negosyo sa Binondo. Ang negosyong ito raw ay isa sa mga stakeholder ng FDA. Ito raw ay isang maliwanag na conflict of interest.
Bukod pa rito, si Go raw ay dating consultant umano ng isang malaking drug manufacturing company na minsan nang naging sentro umano ng kontrobersiya. Isa pa rin itong maliwanag na conflict of interest, dagdag pa ng source.
SA PAGIGING partner nga naman ng ama ni Go sa isang negosyo na nakikipagtransaksyon sa FDA, hindi imposibleng makakuha ng mga konsiderasyon o ang masaklap pa ay babaluktutin ng FDA ang ilang mga patakaran nito mapagbigyan lamang ang kompanya na kinabibilangan ng kanyang ama.
Ganoon din ang hindi imposibleng mangyayari sa drug manufacturing company na dating kinabibilangan ni Go. Maaaring mapagbibigyan ito ng mas maraming pabor kumpara sa mga kakumpitensya nito.
At lalong hindi rin imposibleng lalapitan ang ama ni Go ng mga tiwaling negosyanteng Chinese sa Binondo na nagkakaproblema o nagkakaroon ng kaso sa FDA para sila ay matulungan.
Ang tinutukoy kong mga negosyanteng ito ay mga nagmamay-ari ng ilang mga drug store sa Binondo na pasimuno sa pagbebenta ng mga pekeng gamot at cosmetics.
MATATANDAAN, ILANG buwan na ang nakararaan, sunud-sunod na nagpalabas ng babala ang FDA laban sa iba’t ibang brand ng mga imported cosmetics na pinatatanggal na sa merkado dahil ito ay nakasasama sa kalusugan ng mga gagamit nito.
Karamihan sa mga produktong ito ay lantarang itinitinda sa Binondo. Pero paano kung may tinatawag na “Binondo Connection”?
Na ang ibig sabihin, ang mga pinatatanggal na mga produktong ito sa merkado ay yaong mga produkto lamang na hindi pasok sa “Binondo Connection”.
NITONG MGA nakaraang araw, napaulat din ang tungkol sa ginawang pag-raid ng pinagsanib na puwersa ng law enforcement at FDA sa mga establisyimentong nagtitinda ng mga fake na gamot at cosmetics.
Ang tanong, ano na ang nangyari sa kaso ng mga na-raid na establisyimentong ito? Bakit bukas pa rin sila? Ano na rin ang nangyari sa kaso ng mga may-ari ng mga establisyimentong ito?
Ito ang mga katanungang ibinato ko sa aking source sa FDA. At ang kanyang isinagot sa akin ay itanong ko raw sa Binondo Connection.
Katunayan, isa sa mga negosyanteng Chinese na nahuling nagtitinda ng mga pekeng gamot at cosmetics ng nasabing pinagsanib na puwersa ang nagyabang pa raw sa harap ng kanyang mga tauhan na narinig ng ilan sa mga miyembro ng raiding team na huwag matakot at mag-alala dahil mababale-wala raw ang kanilang kaso, dagdag pa ng source.
Para makapagbitaw ng mga kayabangan ang taong ito sa harap ng ilang miyembro ng raiding team, na maaabsuwelto sila sa kaso, ibig sabihin, may pinagmamalaki itong malaking koneksyon.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanoanood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo