TUWING PAPASOK ang buwan ng Pebrero, para sa ating lahat ito ay buwan ng Puso, kung saan ang Valentine’s Day o Araw ng Puso ay sa araw ng ika-14 ng Pebrero. Ang iba sa atin, tuwing papasok ang buwan ng Pebrero ay tipong kinikilig para sa Valentine’s Day dahil siyempre mayroong mga nagbibigay ng chocolates at flower at mga magbibigay naman sa mga mahal o crush nila. Samantalang ang iba naman tuwing malapit na ang February 14 o ang buwan ng Pebrero ay parang bitter na matapos ang ika-31 ng January ay March 1 na raw, at ang iba naman, ano’ng sunod sa February 13? February 15 na ba? O kaya ang February 14 para sa kanila ay isang ordinary day.
Marami mang nakakikilig na bagay tuwing Pebrero o kaya naman ay mga nakatatawang kabiteran para sa iba tuwing malapit na ang Pebrero, huwag kayong mag-alala, nandiyan naman ang mapagmahal nating pamilya at darating din ‘yung araw na makikilala mo ang taong pagbibigyan mo ng bulaklak o tsokolate at makikilala mo rin ang taong magbibigay naman sa ‘yo ng tsokolate at bulaklak. Siguro ito ang ilang mga bagay na pumapasok sa isip natin kapag Valentine’s Day. Pero alam ba natin kung ano ang history o pinanggalingan ng Valentine’s Day? Ilan nga ba sa atin ang nakaaalam ng history nito? Ikaw, alam mo ba?
Ang Araw ng mga Puso ay ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Balentino na ginaganap tuwing Pebrero 14. Dito ipinahihiwatig ng mga magkakasintahan, mga mag-asawa, at mga pamilya ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa at nagpapadala ng mga bulaklak, card at donasyon, kadalasan hindi sinasabi ang pangalan.
Si San Balentino, ayon sa Katolisismo, ang siyang patron ng mga magkasintahan. Ito ay nanggaling sa pagdiriwang na Lupercalia. Ang Lupercalia ang panahon ng pagpapakasal ng mga Diyos na sina Zeus at Hera. Ipinagdiwang ang Lupercalia noong ika-13 hanggang ika-15 ng Pebrero. Kilala rin ito bilang Pista ng Juno Februa. Dito sa Lupercalia kung saan nagsasayawan at nag-iinuman ng alak ang mga tao. Noong taong 496, iniutos ni Santo Papa Gelasius I na gawing Kristiyanong ritwal ang mga paganong pagdiriwang kaya’t binigyan ito ng bagong pangalan, ang Valentine’s Day, bilang pagpupugay sa patron nito, si San Valentin.
Noong panahon na iyon ay tatlong San Valentin ang buhay; isang pari ng Roma, isang Obispo ng Interamna, at isang martir sa isang lalawigan ng Roma sa Africa. Ipinagbawal noon ni Emperador Claudius II na magpakasal ang mga sundalo ng Roma dahil nakapagpapahina raw ito sa mga sundalo na lumalaban sa digmaan. Ngunit, lihim na nagkasal pa rin si San Valentin ng mga magkakasintahan. Dahil dito, ipinapatay siya noong 270.
Noong unang panahon, naging tradisyon para sa mga taga-Britanya ang pagbibigay ng mga liham sa kanilang mga minamahal. Dahil na rin dito, naging popular ang industriya ng pagpapadala ng mga greeting cards at ang iba sa atin hanggang ngayon ay bitbit ang lumang tradisyon na iyon sa pagbibigay ng liham o greeting cards na may kasama namang mga bulaklak o tsokolate at iba pang mga pamamaraan ng iba.
Kaya itong nalalapit na Valentine’s Day, kung may gusto tayong bigyan ng mga liham, bulaklak o tsokolate o kung anupaman iyan na gusto nating ibigay, hindi lang naman tsokolate o bulaklak ang puwedeng ibigay, maaari rin natin silang bigyan ng kanilang gusto o paboritong pagkain na may kasamang bulaklak.
Kaya para sa lahat, Happy Valentine’s Day!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo