ILANG TAON na ang nakalilipas nang lumabas ang sikat na larong Defense of the Ancients, o mas kilala sa tawag na DotA. Ito ay isang mapa na ginawa ng isang grupo ng mga tao sa laro na Warcraft III. May dalawang koponan na maglalaban na binubuo ng tig-limang manlalaro. Mayroon itong mahigit sa 90 na pinagpipilian na mga “heroes” na may kanya-kanyang mga abilidad o kakayahan at katangian. Bukod pa rito, mayroon ding malawak na pagpipiliang mga gamit na nabibili gamit ang naiipon na “gold”. Karamihan dito ay kasangkapan para sa mga mas magaganda at mas malalakas na gamit. Ang “gold” ay naiipon sa iba’t ibang pamamaraan, tulad ng kapag ikaw ang huling umatake bago mamatay ang mga “creeps”, kapag nakapatay o tumulong ka sa pagpatay sa kalaban na “hero”, pagsira ng “towers”, at mayroon ding natural na nakukuha na “gold” sa bawat segundo na lumilipas.
Ang DotA ay nilalaro sa isang malaking mapa na binubuo ng tatlong “lanes”. Isa sa taas, sa gitna at sa baba. May tig-tatlong tore din sa bawat “lane” sa magkabilang panig na nagsisilbing bantay at depensa kontra sa kalaban. Kailangang mapatumba ang kahit anumang grupo ng tatlong tore sa isang lane bago maaaring pasukin ang base upang subukang sirain ang “ancient”. Ang unang koponan na makasira ng “ancient” ng kabilang panig ang magwawagi sa laban. Kapag nagsimula na ang laro, mayroong mga lumalabas na grupo ng “creeps” sa bawat “lanes” sa bawat 30 segundo. Ang mga ito ay maglalakad hanggang makatagpo na ang kalaban na “creeps” at ang mga ito ay maglalaban. Ang mga tore naman ay binabantayan ng mga kalaban na “heroes” at ang unang kalaban na makaubos sa tatlong tore sa “lane” ay makakukuha ng malaking kalamangan sa laban, at maaari nang tumuloy sa “base” ng kalaban at subukang sirain ang “ancient.”
Ang uri ng laro na ito ay sikat sa kabataan sapagkat ito ay may malawak at sari-saring posibilidad na istratehiya, kilusan at resulta sa bawat laro. Ang bawat laro ay palaging naiiba sa nakaraan at iba pang mga laro. Hindi maaaring magkatulad ang kahit anong dalawang laro, sapagkat ang bawat laro ay naiiba base sa kumbinasyon ng limang “heroes” sa bawat koponan mula sa pagpipilian na mahigit sa 90, sa bawat kakayahan, desisyon at pagkakamali ng bawat manlalaro, iba-ibang buo o eksperimentong kumbinasyon ng gamit, iba-ibang istratehiya, kontra istratehiya, at iba-iba pang mga salik.
May mga pagbabago ring nailalabas paminsan-minsan, na nagbubunga ng mga mas panibagong mga istratehiya, panibagong “heroes”, mga bagong gamit, at mga pagbabago sa ibang mga abilidad ng mga “hero”.
DAHIL SA mga nabanggit, karamihan sa mga kabataan ang nahihilig at naaadik sa larong ito sapagkat ito ay nagbibigay ng napakaraming posibilidad sa resulta ng bawat laro. Nakaeengganyo ring maglaro dahil may teamwork na nabubuo sa mga manlalaro, lalo na kapag ang mga kaibigan mo ang kasama mong maglaro. Natututo rin ang mga manlalaro na mag-isip, gumawa ng mga istratehiya, at gumawa ng mga mabibilis na desisyon sa loob ng konting oras.
Tunay ngang nakalilibang maglaro ng DotA. Ngunit mga kapwa bagets, ating tandaan, dapat huwag nating sayangin ang lahat ng oras sa pagtutok sa larong ito. Hindi porke’t sembreak ay aaksayahin na natin ang lahat ng oras para mag-DotA. Kailangan ay maglaan lamang tayo ng konting oras para rito at gamitin ang iba pa nating oras sa mas mahalaga at may kabuluhang bagay.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo