NANG MAKAPANAYAM ko si PO2 Alex Batino ng Station 3 ng Quezon City Police District sa T3 Reload, at tanungin kung siya ba ay bading dahil sa ginawa niyang pangangalmot at pananampal sa kanyang kapitbahay na si Armida Ortiz, walang paliguy-ligoy na sumagot siya ng “oo”.
Nang tanungin ko naman kung ipinama-manicure niya ang mga kukong ginagamit niya sa pangangalmot sa tuwing siya ay nakikipag-away, sa muli, walang pag-aatubiling sinagot niya ako ng “oo”.
Sa kalagitnaan ng aking mga pagtatanong kay Batino, sumingit sina ‘Tol Ben at ‘Tol Erwin kaya nakaligtaan kong itanong kung siya ba ay nagsusuot ng nighties at T-back kapag natutulog sa gabi. Malamang ang sagot niya rito ay “oo” pa rin.
NOONG JANUARY 30, 2014, bandang 8:00 ng umaga, sa pangalawang pagkakataon, nakiusap si Armida sa misis ni Batino na kung puwede ay huwag nang magpasugal sa kanilang unit dahil ito ay nakabubulabog sa mga kasamahan nila sa apartment complex at marami ang hindi nakatutulog.
Maghapon, magdamag kasi ay maraming mga tao sa unit ni Batino – na karamihan ay mga kapwa rin niyang pulis na nagsusugal ng baraha. Maingay raw sila at magulo.
Nang magsumbong si Misis kay PO2, sinugod daw agad ng pulis si Armida nang malamang ay pakendeng-kendeng pa at nakapamaywang. Nang abutan niya si Armida, dito na ibinuhos ng bading ang kanyang katarayan. Dinuru-duro raw ni PO2 si Armida na siguro ay nakataas pa ang mga kilay at pumipilantik ang mga daliri.
Nang hindi na mapigilan ang kanyang pagkagigil, pinagkakalmot ng beking pulis si Armida at sinabayan pa raw ito ng mga pananampal.
IPINARATING KO kay Police Superintendent Michael Macapagal, ang hepe ni Batino sa Station 3. Hindi nagustuhan ni Macapagal ang mga narinig niyang sumbong laban sa beki niyang pulis.
Nangako siyang paiimbestigahan si Batino at papatawan ito ng nararapat na parusa kung kinakailangan. Pero halata kong nagpipigil si Macapagal na matawa habang isinasalaysay ko sa kanya ang mga pinaggagawa ng mataray niyang PO2.
Hindi siguro inaasahan ni Macapagal ang biglang paglalaladlad ng isa sa mga astig niyang pulis sa Station 3.
ISANG TEXT message ang natanggap ng inyong lingkod mula sa ilang negosyante ng Negros Occidental. Isinisiwalat nila ang mga katiwalian na nagaganap sa National Food Authority (NFA) sa kanilang probinsya.
Pagkatapos ko silang matawagan at makausap, agad silang nagpadala ng mga dokumento na magpapatunay sa kanilang mga sumbong. Si Procopio Trabajo, Provincial Manager ng NFA Negros Occidental, ang itinuturo nilang nasa sentro ng anomalya na kanilang nais patalsikin.
Ang pambungad ng kanilang sumbong ay noong nakaraang taon nakabili raw umano ng brand new Ford Everest si Trabajo. Nabili raw ni Trabajo ang Everest sa pagitan ng mga buwan ng Hulyo at Oktubre noong isang taon kung saan ito ay nakipagsabwatan umano sa mga ghost grains retailer ng Central Negros at Lone District ng Bacolod City.
NOONG DECEMBER 2013, nagbigay umano ng accreditation si Trabajo sa mga bagong pinapaboran niyang retailers ng 250 bags kada linggo – bawat isa, na mas mahigit pa sa allocation na 30 to 50 bags per week na ibinibigay dapat sa mga miyembro ng Grains Retailers Confederation of the Philippines (GRECON).
Ang siste, hindi raw natatanggap ng mga miyembro ng GRECON ang dapat na 30 to 50 bags per week na allocation nila. Sa halip, nililimitahan sila sa 12 to 15 bags lamang kada linggo.
Bago maging lehitimo ang isang rice retailer at mabigyan ng rice allocation, dapat ito ay maging miyembro muna ng GRECON ng hindi bababa ng dalawang taon. Pero ang mga pinapaborang retailers daw ni Trabajo ay grupo ng mga “ghost retailer”. Sa halip na sa mga market outlet ibenta ang kanilang allocations, idina-divert daw nila ang mga ito sa mga wholesaler matapos mai-repack.
Kinukuwestiyon din nila kung bakit sa Authority to Issue (AI) documents tanging si Trabajo lamang daw ang pumipirma – na dapat ay kasama rin si Jobe Chua, ang Assistant Provincial Manager.
LUMIHAM NA raw sila kay NFA Administrator Orlan Calayag tungkol sa reklamong ito. At bilang tugon sa kanilang liham, nagpadala raw ng inspector mula sa Regional Office si Calayag.
Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw ang resulta sa ginawang imbestigasyon ng mga taga-region, at parang wala rin daw nangyari kaya nakipag-ugnayan na sila sa inyong lingkod.
Ang kanilang kahilingan ay sana raw magpadala ang NFA ng mga inspector mula sa Maynila para maging patas at transparent ang gagawing imbestigasyon tungkol sa kanilang reklamo. Ngayong araw, sa Wanted Sa Radyo, susubukan ng inyong lingkod na kunin ang panig ni Trabajo at ng NFA tungkol dito.
DALAWANG FOREIGN exchange company na nagpapanggap bilang mga call center ang nakapandurugas ngayon ng mga walang kamalay-malay na daan-daang foreign and local investors. Ang kanilang mga opisina ay nakabase rito sa Metro Manila. Ito ay ang Amikat Services Inc. at Alonet Solutions Inc.
Ang mga kompanyang ito ay pag-aari ng Israeli nationals na sina Ori Chen at Reem Hawari. Si Chen ang tumatayong Sales and Operations Manager samantalang si Hawari ang nagsisilbing Retention Manager.
Kasabwat din nina Chen at Hawari ang mga Pilipinong sina Evelyn Sacdalan, Administration Manager at John Carlo Magbanua, HR Manager.
ANG MODUS ng mga kompanyang ito ay ang maglagay ng advertisement sa dyaryo at internet para maghikayat ng gustong maging call center agent. Sinasabi sa mga aplikante, bilang kasama sa kanilang training, sila ay kailangan daw magtawag ng mga possible investor na magpapaluwal ng minimum na $100.00.
Tinuturuan ang mga trainee na magsinungaling at sabihin sa mga natatawagan nilang prospect na malaki ang tutubuin ng kanilang pera dahil iti-trade ito sa stocks exchange. Pero walang magaganap na trading. Panahon lang ang bibilangin at magugulantang na lamang ang mga nakapag-invest sapagakat maglalaho na lamang na parang bula ang mga kompanyang ito at lilipat ng location saka magpapalit ng pangalan.
Dalawang empleyado ang hindi na nakatiis at nagsumbong sa inyong lingkod. Kasalukuyang iniimbestigahan na ng Security and Exchange Commission at National Bureau of Investigation ang mga sangkot sa pandarambong na ito. Magsilbi sanang babala sa lahat ang ganitong modus.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo