AYON SA isang research, bawat araw, tayo ay nabubuhay sa halos humigit kumulang 3,500 na brands o tatak ng mga bagay-bagay. Halimbawa, sa isang tipikal na buhay na estudyanteng lalaki, gigising siya sa umaga, titingin agad sa Samsung niyang cellphone. Maghihilamos gamit ang Master facial wash. Magsisipilyo gamit ang Colgate na toothpaste, kung minsan terno pa nga pati ang toothbrush, ang tatak ay Colgate. Kakain ng almusal, ang nakahain ay Tender Juicy hotdog na may kasamang tinapay ng Gardenia. Sasabayan pa ng Nescafe na kape. At pagpupunta na ng eskwela, dali-daling isusuot ang biniling sapatos sa Rusty Lopez, sa kamamadali, kamuntik-muntikan pang makalimutan ang Jansport na bag. Sasakay sa jeep na Sarao. Maiinis ka dahil male-late na nga magpapa-gas pa si Manong Driver sa Petron. Pagdating sa klase, magmamadaling kukunin sa bag ang Cattleya na notebook at point 3 na G-tech Pilot pen. Hindi pa natatapos diyan, habang pauwi, samu’t saring brands pa rin ang makakalamuha. Kahit paggagawa na nga lang ng assignment, igo-Google pa niya ‘yan sabay silip sa Facebook at Twitter niya.
Kaya hindi maiiwasan na hinuhusgahan na tayo ng ibang tao ayon sa brand na ginagamit natin. Kung minsan pa nga, ang pagkakaroon mo ng barkada ay depende pa sa brand na mayroon ka. Kaya, imbes na ikaw ang gumamit ng brands ng mga produkto, ikaw ay nagpapagamit.
Ganito na kalakas ang impluwensiya ng branding. Kung dati nga, sa mga bagay-bagay lang nilalagyan ng brand. Ngayon, pati hayop ginagawa ng brand tulad ng ballpen na Panda, gatas na Bearbrand, sabon na Dove. May brand pa nga na umabot sa kalawakan tulad ng tsokolate na Milky Way at Mars. Pati na rin ang mga abstract o hindi nahahawakan na konsepto, may brand na rin tulad ng impormasyon at kaalaman o Google at Wikipedia.
Hindi mo nga napapansin, ang brand na dating noon ay pangalan lang, ngayon ay nagiging verb o salitang gawa na. Nariyan ang “i-Google mo,” “i-Facebook friend mo,” “Nag-Nescafe ka na?”, “i-Photoshop mo”. Sabi pa nga sa pag-aaral, kapag ang isang brand o tatak ay ginamit mo bilang salitang kilos, ibig sabihin, kakaibang lakas at impact ang mayroon ito sa buhay ng tao.
Nandoon na tayo sa katotohanan na para maging “in” ka sa isang samahan, kinakailangan mong bumili ng brand na mayroon sila. Ngunit hindi naman yata tama na mahusgahan ka ayon sa brand na gamit mo. Dahil kung tutuusin, ang ibig sabihin ng brand ay isang tatak na dekalidad. Ang brand ay pangako mo sa tao. Ang brand ay isang reputasyon. Kaya huwag kang magpagamit sa isang brand dahil ikaw ang gumagawa nito, ikaw mismo ang brand. Ikaw ang gumagawa ng sarili mong tatak sa ibang tao. Kaya pangalagaan ang iyong brand o ang iyong reputasyon.
Kung kayo ay may komento o suhestyon, maaaring mag-e-mail sa [email protected].
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo